CSC- Region 2 director utas sa tandem

Balita - - Pangunahing Pahina - Ni LIEZLE BASA IÑIGO

Patay ang director ng Civil Service Commission (CSC)Region 2 matapos na pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Gonzaga Extension, Barangay Centro 10 sa Tuguegarao City, Cagayan, nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ni Supt. Edward Guzman, hepe ng Tuguegarao City Police, ang biktimang si Atty. Neil Agustin, habang nakaligtas naman ang tauhan nitong si Randolf Castañeda.

Ayon sa report, minamaneho ng opisyal ang kanyang Toyota Altis (ZFX-210) kasama si Castañeda nang mangyari ang pamamaril.

Nabatid na susunduin ni Agustin ang kanyang asawang nagtatrabaho sa Ilagan City, Isabela nang mangyari ang krimen. Nagtamo si Agustin ng pitong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan na agad niyang ikinamatay.

Tinitingnan ang anggulong may kinalaman sa pag-ibig, sa trabaho, at sa droga. Ayon kay Supt. Guzman, posibleng isa sa mga nabanggit na anggulo ang motibo sa krimen, bagamat nangangalap pa ng matibay na ebidensiya ang pulisya.

TINAMBANGAN! Ang Toyota Altis ni CSC-Region 2 director, Atty. Neil Agustin na pinagbabaril ng riding-in-tandem sa Bgy. Centro 10, Tuguegarao City, Cagayan nitong Biyernes ng hapon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.