Provincial health officer pinatay sa bahay

Balita - - News - Mike U. Crismundo

BUTUAN CITY – Pinatay nitong Huwebes ng nag-iisang hindi nakilalang armado ang provincial health officer ng Dinagat Islands, sa Purok 2, Barangay New Mabuhay sa bayan ng Dinagat, iniulat kahapon ng pulisya.

Batay sa inisyal na ulat sa headquarters ng Police Regional Office (PRO)-13 mula sa Dinagat Islands Police Provincial Office (PPO), kaagad na nadala sa Dinagat District Hospital ang doktor, at inilipat pa sa pagamutan sa Surigao City ngunit binawian din ng buhay habang ginagamot.

Sa report kay PRO-13 Director Chief Supt. Rolando B. Felix, kinilala ni Dinagat Islands PPO director Senior Supt. Ramir Perlito P. Perlas ang biktimang si Dr. Vicente L. Soco Jr., 46, residente sa lugar, at tubong San Francisco, Agusan del Sur.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng Dinagat Municipal Police, nanonood ng telebisyon ang doktor nang pasukin ng suspek bandang 7:40 ng gabi nitong Huwebes at pagbabarilin.

Ayon sa mga record, hindi kabilang si Soco sa drug watch list at hindi rin sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya, kaya naman masusing nag-iimbestiga ang awtoridad upang tukuyin ang motibo sa krimen.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.