Trike sumalpok sa SUV: 1 patay, 2 sugatan

Balita - - News - Jun Fabon

Inaresto at ikinulong ang isang 50-anyos na negosyante nang salpukin ang isang tricycle na ikinasawi ng driver nito at ikinasugat ng dalawang pasahero sa Quezon City kamakalawa.

Namatay habang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang biktima na kinilalang si Jeoffrey Dollera Luna, 25, ng Parola Compound, Tondo, Manila. Siya ay namatay sa pagkabagok.

Sugatan naman ang dalawa niyang pasahero na sina Marlito Abaya Abande, 21, ng 997 Kagitingan Street, Barangay 28, Tondo, Maynila; at Kim Tagoy Tungon, 23, ng Carmen Planas St., Binondo, Maynila.

Agad namang sumuko sa Traffic Sector 4 ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Maribel Tan Labanza, driver ng Toyota Fortuner (16A34A) na nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and physical injuries.

Sa ulat ng QCPD-Traffic Enforcement Unit-Traffic Sector 4, nangyari ang aksidente sa Santolan Road, sa kanto ng C. Benitez St., Bgy. Bagong Lipunan.

Nagpagewang-gewang umano ang minamanehong motorsiklo ng biktima at bumangga sa nakasalubong na Fortuner na minamaneho ng suspek, dakong 7:30 ng umaga.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.