Cotabato: 200 pamilya lumikas sa airstrikes
KIDAPAWAN CITY – Nasa 200 pamilya mula sa dalawang barangay sa bayan ng Carmen sa North Cotabato ang lumikas sa kalapit na Aleosan makaraang maglunsad ang Philippine Army ng matinding air-to-ground military offensive laban sa tagasuporta ng Islamic State na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) simula nitong Miyerkules.
Ayon kay Capt. Napoleon Alcarioto, hepe ng Civil Military Operations (CMO) ng 602nd Brigade ng Philippine Army, pansamantalang nakatuloy ang evacuees sa Barangay Lawili sa Aleosan.
Aniya, inayudahan na ng mga lokal na pamahalaan ng Carmen at Aleosan ang evacuees, partikular sa kanilang pagkain.
Ilan sa evacuees ang nakituloy sa bahay ng kanilang mga kaanay, ayon kay Capt. Alcarioto.
Aniya, gumamit ang Army ng MG520 attack helicopter sa paglulunsad ng airstrikes simula nitong Miyerkules. Nasa ikaapat na araw na ang opensiba kahapon, dagdag pa ng opisyal.
“On the ground, our men recovered a number of personal belongings of these BIFF members, which led us to believe that some of them could have been hit during the military air strikes,” ani Capt. Alcarioto.
Ikinasa ang opensiba makaraang mamataan ng militar nitong Martes ang nasa 30 armadong miyembro ng BIFF sa Bgy. Tonganon at sa kalapit na Bgy. Bentangan sa Carmen.