Kelot na nahaharap sa qualified theft timbog
Sa selda ang bagsak ng isang lalaking nahaharap sa kasong pagnanakaw matapos madakip sa kanyang bahay sa Parañaque City, nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Retchie Calipayan y Roves, 32, binata, ng Purok 5, Barangay Sinalhan, Sta. Rosa, Laguna.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Warrant and Subpoena Section ng Parañaque City Police at Sta. Rosa City Police, sa pangunguna nina Senior Insp. Anthony Alising at SPO1 Nestor De Leon, ang suspek na si Calipayan sa kanyang bahay, dakong 7:10 ng gabi.
Sa bisa ng warrant of arrest, na inisyu ni Parañaque Regional Trial Court Branch 257 Judge Rolando How, matagumpay na naaresto si Calipayan sa kasong qualified theft.
Nakatakdang iharap ang suspek sa korte para sa kaukulang disposisyon.