Masamang mensahe, maling halimbawa
SA state visit ni Pangulong Digong sa Vietnam, tulad ng ginagawa niya kapag siya ay nasa ibang bansa, hinarap niya ang mga Pilipino roon. Sa harap nila, inulit niya ang kanyang paninindigan laban sa ilegal na droga.
Kaugnay nito, ipinagmalaki pa niya sa mga ito kung paano siya makipag-away noong teenager pa siya. Sabi niya: “Rambol dito, rambol doon at the age of 16, may pinatay na ako. Tao talaga. Rambol. Saksak. Noong 16 years old iyon, nagkatinginan lang. Eh, lalo na ngayon president na ako.”
Hindi, aniya, siya aatras sa kanyang war on drugs na, sa kanyang pakikipag-usap kay US President Donald Trump, ay sasabihin niya ritong huwag pakialaman ang kampanya ng kanyang administrasyon laban sa droga.
Wika pa niya: “You f*** with my countrymen, ‘di kita papalusutin. Bahala na kayong human rights. P***** i**, ‘pag ginawa mo sa Pilipino ‘yan, hihiritan kita. Kulong? Ay sus! Kulong, eh, noong teenager ako pasok- labas- pasok ako sa kulungan.”
Galit o naggagalit- galitan lamang ang Pangulo? Kasi, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagbibiro lang daw ito sa sinabi sa mga OFW sa Vietnam. Gumagamit lang daw ito ng makulay na pananalita sa mga Pinoy na nasa ibayong dagat.
Baka magkaproblema na naman si Roque sa Pangulo. Ganito ang ginawa ng kanyang pinalitan na si Ernesto Abella, ang bigyan ng katanggap-tanggap na kahulugan ang mga marahas at maruming salita ng Pangulo. Si Roque mismo ang nagsabi na ang bilin sa kanya ng Pangulo ay sabihin lang ang totoo. Totoo ba iyong ipinakahulugan niya sa sinabi ng Pangulo na nagbibiro lang ito? Paano kung umabot itong sinabi ni Roque kay President Trump, seseryusuhin kaya nito ang anumang sabihin ni Pangulong Digong lalo na’t may kaugnayan ito sa maramihang pagpatay sa pagpapatupad ng kampanya laban sa droga?
Hindi magandang marinig ng kabataan ang tinuran ng Pangulo. Problema nga sa katiwasayan at kaligtasan ng mamamayan ang rambol o labu-labong pag-aaway na ginagawa ng kabataan. May mga namatay na at mga ari-ariang nasira dahil dito. Kaya, upang masawata, o maiwasan ang ginagawang ito ng mga kabataan, may mga hakbang na ginagawa ang ibang pamahalaang lokal, tulad ng pagpapatupad ng curfew. Nililimitahan ang oras na puwedeng nasa kalye at labas ng kanilang tahanan ang mga kabataan.
Sa mga nakarinig o nakaalam sa sinabi ng Pangulo sa Vietnam, ... Sundan sa pahina 11
lalo na ang kabataan, parang ang rambol ay pangkaraniwan lamang kahit may napapatay. Uso pala ito dahil nangyari mismo sa panahon ng Pangulo nang siya ay bata pa. Noong teenager ay nakapatay ang Pangulo, eh, naging Pangulo pa.
Galit man ang Pangulo o hindi, totoo man ito o hindi, o kaya nagbiro lang siya gaya ng nais ipahiwatig ni Presidential Spokesperson Roque, sa ikinuwento nito sa nakaraan niyang katapangan, masamang mensahe ang ibinibigay nito sa kabataan. Ibang klaseng halimbawa, na masama, ang nais niyang pamarisan ng mga ito na napakadali nilang gawing ngayon dahil wala silang kulong sa kanilang pananagutan.