Balita

Celo Lagmay Fearless forecast

-

DAHIL sa magkakasal­ungat na mga paninindig­an hinggil sa pag- iral ng martial law sa Mindanao, nagmistula­ng hulaan o guessing game naman kung ito ay palalawigi­n pa o tuluyan nang aalisin ni Pangulong Duterte. Ang naturang mga impresyon ay nakaangkla sa kawalan pa ng rekomendas­yon ng Department of National Defense (DND) tungkol sa sitwasyon ng batas militar sa naturang rehiyon; kung mayroon man, maaaring ihahayag ito anumang oras mula ngayon.

Hanggang ngayon ay matindi pa rin ang pagtutol at kahilingan ng mga kritiko ng Duterte administra­tion na alisin na ang martial law sa Mindanao. Lagi nilang binibigyan­g-diin na ang batas militar ang kumitil sa karapatan ng sambayanan na nagmistula­ng mga lumpo sa pagkakait ng kalayaan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Dapat lamang asahan na ang panggagala­iti ng mga tagapagtag­uyod ng mga karapatang pantao sa pagpapaira­l ng martial law. Lagi nila itong inihahalin­tulad sa martial law na idineklara ng yumaong Ferdinand Marcos noong 1972. Hindi lamang kinitil ang karapatan ng sambayanan kundi mistulang pinatay ang demokrasya. Katakut-takot ang mga ikinulong, maraming napatay at lalong marami ang sinasabing dinukot at hindi na lumitaw.

Bilang isa sa mga nakasaksi sa deklarasyo­n ng martial law noong panahon ng diktadurya, naniniwala ako na naiiba ang batas militar na pinairal ni Pangulong Duterte. Hindi ito pagkatig sa administra­syon, subalit kumbinsido ako na layunin lamang ng naturang paghihigpi­t na iligtas ang bansa sa mga manliligal­ig.

Ipinatupad ang martial law noong lusubin ng Maute Group and Marawi City, sa pakikiisa ng mga teroristan­g Islamic State of Iraq and Syria ( ISIS). Bunga nito, hindi lamang nawasak ang naturang siyudad kundi nakitil pa ang maraming buhay hindi lamang sa panig ng mga terorista kundi maging sa grupo ng ating mga pulis at sundalo.

Sa bahaging ito, hindi nagbabago ang ating kutob na palawigin ni Pangulong Duterte ang pag-iral ng martial law sa Mindanao; at hindi malayo na ito ay posibleng pagapangin sa buong kapuluan.

Hindi humuhupa ang determinas­yon ng mga bandido, terorista at rebelde na maghasik ng mga karahasan sa iba’t ibang panig ng Mindanao. Patuloy ang sinasabing pangangala­p ng Maute Group ng kanilang kaalyado upang paigtingin ang pakikidigm­a sa tropa ng gobyerno.

Hanggang ngayon, kabi-kabila ang pananamban­g at pagpapasab­og ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa mga kampo ng militar.

Hindi ko pinangungu­nahan ang Pangulo, ngunit hindi ako naniniwala na aalisin ng Pangulo ang martial law sa Mindanao. Ito ang aking fearless forecast.

 ??  ??

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines