MABUTING BALITA
Gen 3:9-15, 20 ● Slm 98 ● Ef 1:3-6, 11-12 ● Lc 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.”
Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.”
PAGSASADIWA:
Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.”— Hindi kaila sa atin ang mataas na pagtingin at pagkilala na ibinibigay ng ating Iglesya kay Maria. Ito ay dahil sa napakahalagang papel na ginampanan niya sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Hindi ginusto o hiniling ni Maria na maging ina ng Anak ng Diyos. Sa halip, ang kanyang pagiging Ina ni Jesus ay isang “kaloob” ngunit isa rin namang malaking pananagutan na buong kababaang-loob niyang tinanggap sa Diyos. Malaya ang Diyos na pumili kay Maria para sa gawaing ito.