MANG-A-AMBUSH NA PARAK, INUTAS

Target na abogado, nakaligtas

Balita - - Pangunahing Pahina - Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN

Nakaligtas sa pananambang ang isang abogado matapos niyang habulin, pagbabarilin, at mapatay ang isa sa tatlong magliligpit sana sa kanya, kabilang ang isang umano’y operatiba ng Philippine National Police (PNP), sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, director ng Quezon City Police District (QCPD), ang nakaligtas na si Atty. Argel Cabatbat, nasa hustong gulang, at nakatira sa Tandang Sora, Quezon City at pribadong abogado ng Carpela Du Naga Humarang and Associates Law Office.

Tinukoy naman ng awtoridad ang dalawang suspek na sina PO1 Mark Ayeras, 32, ng Malabon City; at John Paul Napoles, 27, taga- Parañaque City, habang nakatakas ang isa pang hindi kilalang salarin.

Nabatid na binawian na ng buhay si PO1 Ayeras nang maisugod sa East Avenue Medical Center, habang ginagamot pa si Napoles.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Cabatbat na kasama niya ang kanyang driver at dalawang kasama na kinilala lang sa mga alyas na “John-John” at “Rudy”, sakay sa itim na Mitsubishi Montero (conduction sticker B1S951) at pauwi na galing sa San Juan dakong 12:30 ng madaling araw.

Pagsapit sa panulukan ng East Avenue at EDSA northbound, nakita ni Cabatbat si Napoles, sakay sa motorsiklo mula sa kaliwang bahagi at binaril sila.

Nawalan umano ng balanse si Napoles hanggang sa masagasaan ng Montero ni Cabatbat.

Samantala, ang ikalawang motorsiklo na sinasakyan ni PO1 Ayeras bilang back rider at biglang sumulpot at nagpaputok ng baril.

Si John-John, na nakaupo sa passenger seat, ang kumuha ng baril sa compartment ng sasakyan at pinagbabaril ang mga suspek sa kanyang harapan.

Narekober ng awtoridad ang isang .45 caliber pistol kay Napoles, isang .9mm Beretta pistol kay Cabatbat, at dalawang motorsiklo na walang plaka.

Samantala, sinabi ni Eleazar na pumasok si Ayeras sa pagkapulis noong Hulyo 2010 at tatlong taong naitalaga sa QCPD Public Safety Battalion hanggang sa maAWOL ( absent without official leave) noong Agosto 2017 matapos malipat sa Regional Public Safety Battalion ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

JUN RYAN ARAÑAS

HINABOL, BINARIL, SINAGASAAN Tumagilid ang SUV na sinasakyan ng isang abogado matapos ang parang eksena sa pelikula na pakikipaghabulan niya sa grupo ng mga motorcycle rider sa EDSA, Quezon City kahapon ng madaling araw. Unang napaulat na hinabol at sinagasaan ng SUV ang mga suspek bago sumiklab ang barilan, at napatay ang isa sa mga suspek na kalaunan ay kinilalang si PO1 Mark Ayeras.

ALI VICOY

SUNOG SA MALL Tinangkang kontrolin ng mga bombero ang sunog sa loob ng Buffet 101 Restaurant sa loob ng shopping mall sa Pasay City bago mag-tanghali kahapon. Patuloy na inaalam ng awtoridad ang sanhi ng sunog.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.