Nang- umit ng chocolates para sa ina, kalaboso

Balita - - Pangunahing Pahina - Ni DHEL NAZARIO

Arestado ang isang lalaki makaraang mang-umit ng P600 halaga ng tsokolate sa loob ng isang mall sa Pasay City, na Valentine’s Day gift sana nito para sa ina, nitong Martes ng gabi.

Sinampahan ng kasong theft si Mervin Dotullo, 20, nakatira sa Dasmariñas, Cavite.

Sa ulat ni PO3 Catalino Gazmen, Jr. ng Pasay City Police, nangyari ang insidente sa loob ng supermarket sa mall, dakong 9:35 ng gabi.

Mino-monitor ng civilian guard na si Jorge Battung ang loob ng supermarket nang maispatan nito si Dotullo sa pang-uumit ng isang pack ng tsokolate, na isinilid sa dalang plastic bag bago nagmamadaling lumabas.

Bago pa tuluyang makalabas ng supermarket si Dotullo, kaagad siyang inaresto ng guwardiya at narekober umano mula sa kanya ang inumit na tsokolate, na nagkakahalaga ng P600.

Sa pulisya, ikinatwiran ng suspek na nagawa nitong magnakaw ng tsokolate para ipangregalo sana sa kanyang ina kahapon, Araw ng mga Puso.

Sinabi pa umano ng suspek na naengganyo lang siya sa hitsura ng tsokolate.

Nakakulong ngayon ang suspek sa detention cell ng Pasay City Police.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.