Lending firm nilooban ng ‘Spider Gang’

Balita - - News - Orly L. Barcala

Matinik at ‘tila walang patawad ang mga hinihinalang miyembro ng “Spider Gang” na nanloob sa isang lending company, at tumangay sa mahigit P100,000 halaga ng cash, gayundin sa set ng closed circuit television (CCTV) camera sa Navotas City, nitong Martes ng umaga.

Sa pahayag sa pulisya ni Carlo Gatpayat, 35, may ari ng ng Sebastian Motorcycle Lending sa M. Naval Street,C-4 Road, Barangay Bagumbayan North, aabot umano sa P104, 675 cash ang natangay ng mga kawatan sa loob ng kanyang opisina.

Hindi rin pinaligtas ng mga suspek ang CCTV box at monitor na nagkakahalaga ng P30,000, at isang computer.

Nabatid na sinadya umanong tangayin ng mga salarin ang CCTV upang hindi sila matukoy ng mga awtoridad.

Ayon kay Marife Maqui, 38, branch manager, dakong 9:30 ng umaga nang madiskubre niyang nagkalat ang mga papeles sa sahig at bukas ang mga drawer sa opisina.

Hinala ng pulisya, tatlo hanggang apat na suspek ang sumalakay at posibleng madaling araw isinagawa ang panloloob lalo na’t walang guwardiyang nakabantay sa gabi.

Patuloy na sinisiyasat ng awtoridad kung inside job ang insidente.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.