Magtatapon sa Pasig River, ikukulong

Balita - - News - Mary Ann Santiago

Aarestuhin, ikukulong at papatawan ng parusa ng Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ang sino mang mahuhuling magtatapon ng basura sa Pasig River, partikular na sa Estero De Juan Luna sa Binondo, Manila.

Ito ang ibinabala ni PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepe” Goitia matapos na makita na ang Estero De Juan Luna, na dati na nilang nilinis mula sa sangkaterbang basura, ay muli na namang ginawang tapunan ng basura ng mga walang disiplinang residente at vendor sa lugar.

Binalaan din ni Goitia maging ang mga opisyal ng Barangays 287, Zone 27 at 268, Zone 25, na nakasasakop sa Estero De Juan Luna, na kakasuhan sa kabiguang bantayan at pagbawalan ang mga pasaway na nagtatapon ng kanilang basura sa estero.

“Maraming beses na kaming nagsagawa ng ‘general clean-up’ sa Estero De Juan Luna pero palagian na lang marumi at tambak ng basura, kaya ngayon ay manghuhuli na kami,” ani Goitia.

Ipinagtataka rin ni Goitia kung bakit sinira at itinaas ang inilagay nilang net trap, o pangharang ng basura sa estero kaya umagos at naipon ang tambak na basura.

Tiniyak din ng PRRC na iimbestigahan nila ang pag-aalis ng trap.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.