‘Assets’ ng PNP, PDEA arestado sa droga

Balita - - News - Fer Taboy

Naaresto ng pulisya ang apat na katao na nagpanggap umanong asset ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos na salakayin ang hide-out ng mga ito sa Tacurong City, Sultan Kudarat, nitong Martes ng hapon.

Sa report ni Supt. Joefel Siason, hepe ng Tacurong City Police Office (TCPO), nakilala ang mga suspek na sina Jude Dela Cruz, 35, negosyante; Zenaida Teves, 40; Joemar Gregorio 33; at Joey Paciente, 37, ng Obra Subd., Barangay Grino, Tacurong City.

Sa isinagawang operasyon ng pulisya, nakumpiska ang may 51 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P255,000, at mga drug paraphernalia.

Sinabi ni Siason na talamak ang pagbebenta ng droga ng mga suspek at itinuturing na “untouchable” dahil nagpapanggap umano ang mga ito na mga asset ng PNP at PDEA.

Sasampahan na ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang apat na suspek.

Nakapiit ngayon sa PDEA-Region 12 ang mga suspek, habang isinasagawa ang imbestigasyon laban sa mga ito.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.