Balita

7 sa NPA, 3 Sayyaf sumuko

- Nonoy E. Lacson

Pitong kasapi ng New People’s Army (NPA) at tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang sumuko sa militar sa magkakahiw­alay na lugar sa Mindanao sa nakalipas na mga araw.

Sa report kahapon ng Armed Forces of the Philippine­s-Western Mindanao Command ( AFPWestMin­Com), isinuko rin ng pitong rebelde ang kani-kanilang armas sa Maguindana­o.

Inihayag ni Joint Task Force Central (JTF-Central) commander Maj. Gen. Arnel Dela Vega na kabilang sa mga sumukong NPA sina Godus Sintaw, 36; Arnel Dimantukay, 21; Donie Diwan, 28; Ghagha Ansag, 25; Danilo Mingkay, 25; Larry Ugalingan, 34; at Jimmy Ulangkaya, 34.

Sinabi ni Gen. dela Vega na isinuko rin ng mga ito ang kanilang armas na kinabibila­ngan ng isang 7.62mm M14 rifle, dalawang M1 Garand rifles, isang homemade M16 sniper rifle, isang Springfiel­d rifle, isang .38 caliber revolver, isang granada, at isang landmine.

Sa Basilan, tatlong miyembro ng ASG ang boluntaryo ring sumuko sa militar at pulisya.

Ayon sa militar, pinili nina Karim Abubakar, Jimboy Abubakar Aldam, at Imran Arajan Abdulajidz na mamuhay nang mapayapa para na rin sa kapakanan ng pamilya ng mga ito.

Ang mga ito, aniya, ay nag-ooperate sa ilalim ng ASG sub-leader na si Nurhassan Jamiri, bago sumuko sa Barangay Bana sa Tipo- Tipo, Basilan nitong Martes ng hapon.

Isinuko rin nila ang isang M16A1 rifle, isang Garand rifle, at iba pang armas.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines