R170k shabu nasamsam sa 2 ‘tulak’
Nasa P170,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa dalawang umano’y tulak ng droga, na sinasabing umamin na may transaksiyon sila sa loob ng Navotas City Jail, sa buybust operation sa siyudad nitong Miyerkules.
Inaresto ng mga operatiba ng Northern Police District-Drug Enforcement Unit (NPD-DEU) sina Marvin Barotil, 36, walang trabaho; at Gina Legaspi, 47, walang trabaho, at kapwa taga-Navotas.
Sinabi ni NPD-DEU chief Senior Insp. Cecilio Tomas na si Barotil ang pangunahing target ng buybust. Si Barotil umano ang drug runner ng isang “Dennis Nonan”, na kasalukuyang nakapiit sa Navotas City Jail.
Ayon kay Senior Insp. Tomas, kinuha nila ang mga impormasyon tungkol sa umano’y pagtutulak ni Barotil mula sa isang drug suspect na naaresto nila sa Caloocan City noong nakaraang linggo.
“After agreeing to have a drug deal, we immediately conducted a buy-bust,” ani Senior Insp. Tomas.
Bandang 5:00 ng hapon nang inareston ng mga awtoridad si Barotil sa Champaca Street sa Navotas, makaraang mag- abot umano ito ng 25 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng P85,000 sa pulis na poseur-buyer.
Dinakip din si Legaspi, na kasama noon ni Barotil, matapos na makumpiskahan umano siya ng mga pulis ng 25 gramo ng shabu, ayon kay Senior Insp. Tomas.
Inamin umano ni Barotil na drug runner siya, habang si Legaspi naman ay drug courier umano ng kinakasamang si Rey Batac, mayores sa Navotas City Jail. Nakulong si Batac dahil sa droga, ayon kay Senior Insp. Tomas.
Samantala, inamin ni Chief Insp. Ricky Heart Pegalan, pinuno ng Navotas City Jail, na kasalukuyang mayores sa kulungan nila si Batac, pero itinangging may bilanggo silang Dennis Nonan.