NCRPO chief ‘binastos’ ng hotel guards

Balita - - Balita - Bella Gamotea

Dahil umano sa pagiging arogante, nakatakdang ipatawag ng Taguig City Police Station ang security manager at mga guwardiya ng isang hotel sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City.

Sa naantalang ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa isang hotel sa BGC, Taguig City nitong Setyembre 12, dakong 7:30 ng gabi.

Sa ulat, kasama ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Guillermo Eleazar ang kanyang security convoy nang dumating sa hotel sa naturang lugar at agad na inutusan ang kanyang driver na patayin ang blinkers ng kanilang patrol car bilang pagpapakita ng kortesiya.

Habang nasa screening area, nilapitan ng mga guwardiyang sina Jonathan Agrito at Harold Burgos at K9 handler na si Glen Garcia ang sasakyan ng NCRPO chief, na isang PNP marked black Montero (B2 L468).

Nang bubuksan na ni Garcia ang compartment ng sasakyan, nagpakilala ang NCRPO chief at nagtanong kung kailangan pa bang buksan ang compartment ng isang PNP marked vehicle sa kabila na nagpakilala na umano ang naturang opisyal.

Nilagyan pa rin umano ng traffic cone ang harapan ng naturang sasakyan upang pigilan itong makaabante.

Sumagot umano si Garcia at sinabing, “Mga senador nga ‘pag pumupunta rito nang walang koordinasyon ini-inspect namin.”

Muli umanong nakiusap ang NCRPO chief na padaanin na ang kanilang sasakyan dahil late na siya sa kanyang appointment at mamaya na lamang ayusin ang usapin, subalit tumanggi umano ang mga guwardiya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.