Taxi driver kulong sa carnapping

Balita - - Balita - Orly L. Barcala

Natiyempuhan ng may-ari ng taxi ang kanyang sasakyan na tinangay ng driver nito sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Kasabay ng pagkakabawi sa taxi, nadakip ang suspek na si Enrique Malicse, 40, ng No. 66 Jasmine Street, Barangay Niugan ng lungsod.

Sa salaysay ni Rustico Masayon, 73, ng Hito St., Bgy. Longos, Malabon City, nag-apply sa kanya si Malicse bilang taxi driver at kanyang tinanggap.

Nagkasundo umano ang biktima at suspek na ipasada ng huli ang isang unit ng taxi (PNUWF), na may boundary na P1,000 kada araw.

Ngunit, makalipas ang dalawang araw ay hindi na umano nagpakita si Malicse kaya naman tinawagan ito ng biktima ngunit hindi sumagot.

Naglakad-lakad si Masayon sa Hiwas St. corner Pampano St., Bgy. Longos at nakita ang kanyang taxi na nakaparada sa gilid ng kalsada, bandang 7:46 ng umaga.

Agad na ipinahuli ng biktima ang suspek na naroon din sa nasabing lugar.

Nahaharap si Malicse sa kasong paglabag sa anticarnapping law.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.