BAGSIK NG ‘OMPONG’

Panganib nananatili kahit lumabas ng PAR

Balita - - Pangunahing pahina - Ni ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN May ulat ni Jun Fabon

Kahit pa inaasahang nakalabas na ng bansa nitong Sabado ng gabi ang bagyong ‘Ompong’, nagbabala sa publiko ang mga awtoridad na manatiling alerto dahil nananatili pa rin ang panganib kahit pa lumabas sa Philippine area of responsibility (PAR) ang isa sa pinakamalalakas na bagyong nanalasa sa bansa.

Patuloy na humina ang Ompong (international name ‘Mangkhut’) makaraang mag-landfall sa Baggao, Cagayan bandang 1:40 ng umaga kahapon, nang may lakas ng hangin na lang na 170 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna, kumpara sa 205 kph na lakas nito nang pumasok sa bansa nitong Miyerkules ng hapon, batay sa huling weather update ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa weather update ni PAGASA Assistant Weather Services Chief Renito Paciente bago magtanghali kahapon, natukoy ang mata ng Ompong sa 30 kilometro sa kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte habang kumikilos pakanluran sa kanlurang baybayin ng Ilocos Norte sa bilis na 25 kph.

Sinabi ni Paciente na inaasahang lalabas ng PAR ang Ompong ng Sabado ng gabi.

Gayunman, sinabi ni Paciente na kahit pa lumabas ng PAR ang Ompong ay hindi kaagad na bubuti ang panahon dahil patuloy itong magdudulot ng mga pag-ulan at malakas na hangin sa kanlurang bahagi ng bansa.

Nagbabala rin si Paciente sa publiko na manatiling alerto sa mga posibleng panganib na idudulot ng pananalasa ng Ompong, tulad ng baha, pagguho ng lupa at storm surge.

Sa katunayan, nagbabala ang PAGASA sa mga nakatira sa coastal areas dahil posibleng umabot sa hanggang anim na metro ang storm surge sa Ilocos Norte, at hanggang dalawang metro naman sa Ilocos Sur, La Union, at Pangasinan.

Bandang 11:00 ng umaga nang ibaba ang storm warning signals sa mga apektadong lugar sa Northern Luzon, na ang pinakamataas ay umabot sa Signal No. 4.

Pinaiigting pa rin ng Ompong ang habagat, na patuloy na magpapaulan sa Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Autonomous Region of Muslim Mindanao, Mimaropa, at buong Bicol Region.

“Ang ating mga panganib dahil sa bagyong Ompong kahit ito ay papalayo na at nakalagpas na ng kalupaan ay patuloy pa rin. Nandyan pa rin ang panganib ng habagt na dapat patuloy nating paghandaan,” sinabi kahapon ni Department of Science and Technology (DoST) Undersecretary for Risk Reduction and Climate Change Dr. Renato Solidum.

Dagdag pa niya, sa paglabas ng Ompong sa PAR ay mayroon pang apat hanggang limang bagyo na inaasahang mananalasa sa bansa hanggang sa pagtatapos ng 2018.

ALVIN KASIBAN

HAGUPIT NA MALUPIT Ilang sasakyan ang nadaganan ng nagbagsakang poste ng kuryente sa West Riverside sa Bgy. San Francisco, Quezon City, sa kasagsagan ng matinding ulan at malakas na hangin na dulot ng bagyong ‘Ompong’ sa Luzon at Visayas, kahapon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.