Malawakang brownout

Balita - - Balita - Myrna M. Velasco at Mary Ann Santiago

Milyun-milyong bahay at establisimyento sa Luzon at Visayas, kabilang ang Metro Manila, ang nabalot sa dilim simula kahapon ng umaga makaraang maputol ang supply ng kuryente sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Ompong’ ilang oras matapos maglandfall sa Cagayan.

Dahil inaasahan na ang matinding pinsala ng super bagyo, ipinag-utos na ni Energy Secretary Alfonso G. Cusi nitong Biyernes na kapag nagdeklara ang state of calamity “all oil companies shall implement price freeze on liquefied petroleum gas and kerosene products”, at magiging epektibo ito sa loob ng 15 araw.

Nagkaroon ng malawakang brownout makaraang maapektuhan ng bagyo ang mga transmission facilities ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Isabela, Cagayan, Kalinga, Pangasinan, La Union, Benguet, Mountain Province, Abra at Quezon sa Luzon; at sa Northern Samar at Eastern Samar sa Visayas.

Sa Metro Manila pa lang, kinumpirma ng Manila Electric Company (Meralco) na dakong 8:00 ng umaga kahapon ay nasa 430,000 consumer na ang nawalan ng kuryente “due to the effects of typhoon Ompong.”

Sinabi ni Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga na ang apektadong 430,000 consumer ay bumubuo sa 6% ng kabuuang 6.5 milyong kostumer ng Meralco, at karamihan ay mula sa Metro Manila, Bulacan at Cavite.

Aniya, naputol ang supply ng kuryente sa nabanggit na mga lugar makaraang mabagsakan ng nangabuwal na puno, mga debris at iba pang foreign object ang mga linya ng kuryente dahil sa bagyo.

Tiniyak naman ni Zaldarriaga na sinisimulan na ng Meralco ang restoration sa serbisyo ng kuryente sa mga apektadong lugar.

Inamin naman niyang mas matatagalan pa ang pagbabalik ng kuryente sa ilang lugar, na hindi pa nalilinisan ng debris o lubog pa rin sa baha.

Sinabi naman ng NGCP na 14 sa mga transmission line nito sa Northern Luzon ang nasira, at nagpakalat na ng line crews ang ahensiya sa mga apektadong lugar.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.