7 sa Abu Sayyaf tigok, 23 sugatan

Balita - - Pangunahing pahina - Nonoy E. Lacson

ZAMBOANGA CITY - Aabot sa pitong umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group ang napatay habang 23 iba pa ang nasugatan nang makibakbakan ang mga ito sa militar sa Bakong Patikul, Sulu, nitong Biyernes ng hapon.

Sa pahayag ni Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WesMinCom) spokesman Army Lt. Col. Gerry Besana, nasugatan sa insidente ang 17 sundalo bukod pa ang 23 bandido, kabilang ang Abu Sayyaf sub-leader na si Hatib Hajan Sawadjaan.

Sinabi ni Besana na bago ang sagupaan, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Task Group Panther, na pinamumunuan ni Lt. Col. Samuel Yunque, kasama ang grupo ng Scout Rangers sa masukal na bahagi ng Bgy. Bakong sa Patikul, nang makasagupa ng mga ito ang aabot sa 100 bandido na pawang tauhan umano ng ASG senior leader na si Radullan Sahiron.

Matapos ang engkuwentro, iniwan ng kanilang kasamahan ang pitong nasawing bandido.

Ini-report din, aniya, sa kanila ng mga sibilyan na aabot sa 23 bandido ang nasugatan.

Sinabi rin nito na dinala na ng militar sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang mga nasawing ASG.

Ayon kay Besana, nasamsam sa lugar ng engkuwentro ang iba’t ibang armas, katulad ng M16 rifle, apat na 5.56mm magazine, isang bandolier, isang cell phone, at iba pang kagamitan ng mga bandido.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.