Ipo-ipo nanalasa sa Marikina, 2 nakuryente

Balita - - Pangunahing pahina - Ni MARY ANN SANTIAGO

Sugatan ang dalawang katao nang makuryente matapos na manalasa ang malaking ipo-ipo sa Marikina City, kamakalawa.

Sa ulat ni Marikina City Police chief, Police Senior Supt. Roger Quesada kay Eastern Police District (EPD) Director Bernabe Balba, kinilala ang mga biktima na sina Paul John Campos at Janet Juanzo, kapwa residente ng Barangay Sta. Elena sa nasabing lungsod.

Nabuo at nanalasa ang napakalaking ipo-ipo sa naturang barangay habang unti-unting nagpaparamdam ang bagyong “Ompong” sa lungsod, bandang 5:20 ng hapon.

Agad na nagsagawa ng search and rescue operation ang mga miyembro ng Marikina City Police Station, katulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Marcelino Teodoro, upang saklolohan ang mga biktimang nakuryente sa W. Paz Street, kanto ng M. Cruz Street.

Kabilang sa mga nasira ng ipo-ipo ay ang makasaysayang simbahan ng Our Lady of the Abandoned Church, kilalang sentro ng convention na Kapitan Moy at OTTO Shoe Building, habang dalawang bahay ang natanggalan ng bubong.

Natumba rin ang isang malaking puno sa tapat ng Marikina Shoe Museum, na naging dahilan ng pansamantalang pagkakaputol ng supply ng kuryente sa walong barangay sa kahabaan ng JP Rizal Sta. Elena at ilang bahagi ng San Roque.

Kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center ang mga biktima.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.