Mason timbog sa panghahalay sa katrabaho

Balita - - Balita - Mary Ann Santiago

Arestado ang isang lalaki matapos na ireklamo ng panggagahasa sa katrabaho nito sa Barangay Plainview, Mandaluyong City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Eddie Mendola, 56, mason, ng Lakatan Street, Talon, Las Piñas City, na inaresto nang ireklamo ng biktima, nasa hustong gulang, residente ng Mandaluyong City.

Sa ulat na ipinarating kay Eastern Police District (EPD) director, Police Senior Supt. Bernabe Balba, inaresto ng mga tauhan ng Mandaluyong City Police at barangay tanod ang suspek sa trabaho nito sa 317 Sto. Rosario St., sa nasabing barangay, dakong 9:00 ng gabi.

Una rito, nagkayayaan umano ang biktima, suspek at kanilang amo at iba pang kasamahan sa trabaho na mag-inuman sa naturang lugar, na pansamantala rin nilang tinutuluyan.

Nang malasing ay nagpasya umano ang biktima na magtungo sa kanyang silid, ngunit sinundan siya ng suspek.

Kumatok umano si Mendola at nang pagbuksan ng biktima ay tinanong umano nito kung okay lang ang huli, at umalis nang sabihin ng biktima na okay lang siya.

Makalipas ang ilang sandali ay muli umanong kinatok ng suspek ang biktima at nagtanong kung okay lang ba talaga ito saka pumasok sa kuwarto.

Dito na umano sapilitang niyakap ni Mendola ang biktima at tuluyang ginahasa.

Nang umalis ang suspek ay nagpadala ng mensahe ang biktima sa kanyang mga kaibigan at ina, na humingi ng tulong sa awtoridad at naaresto si Mendola.

Nahaharap si Mendola sa kasong rape.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.