Duterte, hindi nagsisisi

Balita - - Opinyon - Bert de Guzman

MULA sa Davao City, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi siya nagsisisi na maging Pangulo ng Pilipinas. Inihayag ito ni Mano Digong sa gitna ng mga haka-haka na balak siyang patalsikin sa susunod na buwan. Tinukoy niya ang mga grupo na nagpaplano umano na patalsikin siya sa puwesto--ang mga Dilawan (Liberal Party),

pangkat ni Sen. Antonio Trillanes IV (Magdalo), at ang grupo o kilusan ni Jose Ma. Sison.

Mariing itinanggi ng tatlong grupo ang akusasyon ni PRRD. Ayon kay Vice Pres. Leni Robredo, chairperson ng Liberal Party, walang ganoong balak ang partido. Pinabulaanan din ito ni Trillanes, mahigpit na kritiko ng Pangulo, at sinabing “guniguni” lang ito ng ating Presidente. Nagiging “paranoid” na raw si PDu30.

Sa panig ni Joma, hindi na raw kailangan ang sabwatan sapagkat mismong ang taumbayan ang magpapatalsik sa kanya. Ayon sa dating propesor ng Pangulo, mapalad si PRRD kung mananatili pa siya sa puwesto hanggang 2019. Baka raw ngayong 2018 ay

mawala na siya sa Malacañang.

Marahas ang pahayag ni Trillanes laban sa Pangulo. Masyado raw itong “obsessed at insecure” sa kanya. Sa halip daw na ang pagtuunan ay mga problema sa bansa, inflation, bigas, at iba pa, malaking bahagi ng kanyang “tete-a-tete” kay Presidential Chief Legal Counsel Salvador Panelo, ang ginugol sa pagbira sa kanya.

Para naman kay beautiful Leni at ilang senador, sinayang ng ating Pangulo sa televised interview ang pagkakataon upang talakayin ang mga suliranin na lumiligalig ngayon sa ‘Pinas, tulad ng pagtaas ng presyo ng halos lahat ng bilihin. Tama, dapat ay inilatag niya ang ginagawang mga solusyon

ng kanyang gobyerno para mapakalma ang mga sikmura ng mamamayan.

Dinalaw ni ex-Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno si Sen. Trillanes sa tanggapan nito sa Senado. Ayon sa naquo warranto na Chief Justice, mapanganib ang pagbawi ni PRRD sa amnesty na iginawad sa senador nang hindi kinonsulta ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Tinawag niya ang aksiyong ito ng Pangulo na “divisive and dangerous”. Hindi umano nakatulong ang “tete-a-tete” o one-on-one interview niya kay Panelo sa pagpapababa sa tensiyon o nabigyan ng pagkakataon ang militar na pagaralan ang Proclamation No. 572,

bago atasang dakpin si Trillanes.

Anyway, habang isinusulat ko ito, sinabi naman ng Pangulo na hihintayin muna ang desisyon ng civilian courts kung magpapalabas ito ng arrest warrant sa kanyang kritiko. Iniutos niya sa AFP at (Philippine National Police) PNP na huwag dakpin si Trillanes hanggang walang warrant of arrest na ibinababa ang Makati Regional Trial Courts. Ewan ko lang kung nagpalabas na ng desisyon ang korte.

Well, well, kung palabiro ang ating Pangulo, palabiro rin ang ilang netizen. May nag-post sa FB ng ganito: “Dinalaw ni Quo Warranto si Ab Initio.” Siguro naman ay alam ninyo kung sino si quo warranto at kung sino si ab initio.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.