Batang Pinoy, tuloy ang sulong sa Baguio City

Balita - - Sports - Annie Abad

KABUUANG 2,715 atleta buhat sa 88 Local Government Units (LGUs) ang kasalukuyang nakapagtala na para sa Batang Pinoy National Finals sa Baguio City.

Ito ay sa kabila ng kasagsagan ng hagupit ng bagyong ‘Ompong’ na kasalukuyang nananalasa sa Northern at Central Luzon, kasama na ang Baguio City.

Pansamantalang pinatira ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga delegasyon buhat sa iba't ibang bahagi ng bansa lalo na ang mga buhat sa Visayas at Mindanao, sa Rizal Memorial Sports Complex at Philsports sa Pasig, bago umakyat ng Baguio, upang maiwasan ang ang anumang aberya.

Nasa 7,000 atleta at coaches at supporting personnel ang inaasahang darating upang lumahok sa National Finals ng Batang Pinoy bago pa man dumating ang nasabing bagyo.

Gayunman, dahil hindi pa nakakarating ang ibang kalahok, inaasahan na madaragdagan pa ang bilang ng mga atleta, at mga LGUs para sa National Finals.

Nakatakdang umakyat ng Baguio ngayong araw ang mga delegasyon na pansamantalang tumira sa RMSC at Philsports sa Pasig, kasama ng ilang PSC employees na kasama sa secretariat.

Wala nang opening ceremonies na magaganap na dapat sana ay nakatakda kahapon (Setyembre 15,) sanhi ng malakas na bagyo, ngunit siniguro naman ng PSC ang isang magarbong closing ceremonies ang isasagawa sa Setyembre 22.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.