R790k cash sa secret room ng Manila jail

Balita - - Pangunahing pahina - Ni MARY ANN SANTIAGO

Aabot sa P790,000 cash at halaga ng galun-galong sangkap sa paggawa ng alak ang narekober ng awtoridad sa Oplan Greyhound sa Manila City Jail, nitong Sabado.

Sinimulan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Manila Police District (MPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang paghahalughog sa Manila City Jail, na matatagpuan sa Sta. Cruz, Maynila, bago magliwanag kahapon.

Ayon kay Jail Senior Officer Jayrex Bustinera, nasa P790,000 cash, na may iba’t ibang denominasyon, ang nakumpiska ng awtoridad mula sa isang tagong silid sa loob ng kulungan.

Bukod dito, nakumpiska rin ang galun-galong likido na ginagamit sa paggawa ng alak, na mahigpit ding ipinagbabawal sa loob ng piitan.

Nabatid na target sa operasyon ang dalawang pinakamalaking dormitoryo sa Manila City Jail, kung saan may 1,200 preso ang kasalukuyang nakapiit.

Regular na nagsasagawa ng Oplan Greyhound o Oplan Linis –Piitan ang awtoridad, upang matiyak na hindi makalulusot ang mga ilegal na gawain at ipinagbabawal na gamit.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.