Servania, wagi via TKO sa Mexican

Balita - - Libangan - Gilbert Espeña

NAGPASIKLAB si WBA No. 3 at WBO No. 3 featherweight Genesis Servania ng Pilipinas nang patulugin eksaktong 44 segundo sa 3rd round si one-time world title challenger Carlos Carlson ng Mexico kahapon sa Oracle Arena, Oakland, California sa United States.

Nakipagtagisan sa counter punching si Servania sa unang dalawang rounds ng sagupaan ngunit pagdating ng 3rd round ay tinamaan niya ng matinding kanan si Carlson na bumulagta at hindi kaagad nakabangon kaya natapos ni referee Marcos Rosales ang bilang na sampu upang ideklarang nagwagi sa knockout ang Pinoy boxer.

Napaganda ni Servania ang kanyang rekord sa 32 panalo, 1 talo sa puntos kay WBO featherweight champion Oscar Valdez ng Mexico na may 15 pagwawagi sa knockouts samantalang bumagsak ang kartada ni Carlson sa 23 panalo, 5 talo na may 14 pagwawagi sa knockouts.

Inaasahang ihahanap si Servania ng world title bout ng kanyang promoter na si Top Rank big boss Bob Arum dahil nakalista rin siyang No. 9 sa IBF at No. 12 sa WBC rankings kaya maaari niyang hamunin ang mga kampeon sa dibisyon.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.