I’M HOME

Trillanes nakauwi na; Calida probe, tuloy

Balita - - Pangunahing pahina - JANSEN ROMERO

MISS MO ‘KO? Pagkaraan ng mahigit tatlong linggong pamamalagi sa Senado kaugnay ng banta ng ilegal na pag-aresto sa kanya matapos bawiin ang kanyang amnestiya nitong Setyembre 4, nakipaglaro si Senador Antonio Trillanes IV sa kanyang asong si “Bruno” ilang minuto matapos siyang makauwi sa kanyang bahay sa Antipolo City, bago magtanghali kahapon.

Umuwi na kahapon sa kanyang bahay sa Antipolo City, Rizal si Senator Antonio Trillanes IV matapos ang 25 araw na pamamalagi sa Senado kaugnay ng banta ng ilegal na pagaresto makaraang bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang amnestiya nitong Setyembre 4.

Biyernes nang magpasya ang kampo ni Trillanes na umuwi muna ang senador matapos na ipagpaliban ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ang pagpapalabas ng arrest warrant laban sa kanya para sa kasong kudeta.

Itinakda ni Judge Andres Soriano ang pagdinig sa kaso sa Oktubre 5.

Matatandaang naghain ng petisyon ang Department of Justice (DoJ) sa dalawang korte sa Makati na duminig sa mga kaso ni Trillanes kaugnay ng Oakwood Mutiny noong 20013 at Manila Peninsula siege noong 2007 para magpalabas ng alias arrest warrant at hold departure order laban sa senador.

Una nang naglabas ng arrest warrant ang Makati RTC Branch 150 laban sa senador para sa kasong rebelyon, at inaresto siya sa Senado saka nagpiyansa ng P200,000 para sa pansamantala niyang kalayaan.

BIBISITAHIN ANG INA SA OSPITAL

“It’s going to be a refreshing experience. I can just imagine just being able to sleep in your own bed, makakaligo ka na nang maayos...but sabi ko nga, I’m not complaining. Pero ‘yun lang, babalik sa dating routine that I’m used to. I’m looking forward to that,” sinabi ni Trillanes nang tanungin ng mga mamamahayag sa Senado bago siya umalis para umuwi pasado 10:00 ng umaga kahapon.

Bandang 11:30 ng umaga nang dumating siya sa kanyang bahay sa Antipolo, kasama si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano at ilang miyembro ng media.

“For now, magpapahinga ako and I’ll try to be with my family. We’ll see within the next few days, I’ll visit my mother who is confined right now,” ani Trillanes.

IMBESTIGASYON, TULOY

Inihayag din ng senador na sa pagbabalik niya sa Senado bukas ay kakausapin niya ang mga kapwa mambabatas hinggil sa mga resolusyong kanyang ikinasa para imbestigahan ang mga alegasyon ng kurapsiyon sa gobyerno.

Partikular na tinukoy ni Trillanes si Solicitor General Jose Calida, na iginiit niyang nakakuha ng multi-milyong pisong security contract ang security agency ng pamilya nito mula sa ilang ahensya ng pamahalaan.

Sisilipin din niya ang aniya’y bilyong pisong kontrata na nakuha umano ng pamilya ni Special Assistant to the President Bong Go sa construction projects sa Mindanao.

“Starting Monday, I will resume my work. Ako ay makikiusap sa liderato ng iba’t ibang komite na may pending resolutions kami ng mga anomalya ng administrasyong ito,” sabi ni Trillanes. “‘Yung mga corruption allegations kay Calida, ‘yung mga corruption allegations kay Bong Go, at ‘yung involvement sa illegal drugs ni Duterte mismo.”

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.