Doble na ang sahod, pulis tuloy pa rin sa katarantaduhan

Balita - - Opinyon - Bert de Guzman

NAGTATAKA ang marami nating kababayan kung bakit patuloy pa rin sa paggawa ng ng kung anu-anong katarantaduhan at kalokohan ang pulisya gayung dinoble na ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang kanilang suweldo.

Batay sa mga report, isang police superintendent, na nasa narcotic list ng Pangulo, ang napatay sa shootout kaugnay ng kampanya laban sa illegal drugs. Siya ay si PNP Supt. Santiago Ylanan Rapiz, Logistics chief ng Zamboanga del Norte Police, na napatay ng kapwa niya mga pulis sa buy-bust operation sa Dipolog City, noong Lunes ng gabi.

Si Rapiz ang ikatlong opisyal ng PNP na napatay kaugnay ng giyera kontra droga ni PRRD. Ayon kay Senior Supt. Romeo Caramat, hepe ng PNP CounterIntelligence Task Force (CITF), na nago-operate laban sa mga tarantadong pulis o “ninja cops”, si Rapiz ay kasama sa listahan ng 6,000 pinaghihinalaang drug dealers. Si Rapiz ay akusado bilang protector ng drug lords at sangkot umano sa illegal drugs.

Nananatiling nasa 6.7% ang inflation

rate nitong Oktubre tulad noong Setyembre, pinakamataas sa nakalipas na dekada. Ibig sabihin nito, mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin na halos hindi makayang bilhin ng mga ordinaryong Pilipino na kamakailan ay binigyan lang ng P25 umento bawat araw.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na sinisikap ng Duterte administration na mapababa ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kumikilos din ang Department of Finance (DoF), Department of Agriculture (DA), at Department of Trade and Industry (DTI) upang mapababa ang halaga ng basic commodities.

Alam ba ninyong nag-inhibit ang hukom sa Muntinlupa City na dumidinig sa kasong illegal drug trade laban kay Sen. Leila de Lima? Siya ay si Judge Lorna Navarro-Domingo ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 206.

Katwiran ni Domingo, nag-inhibit siya para ipakita ang “good faith” sa prosecution at sa defense panels. Dahil dito, may nasisilip pa ring pag-asa sa hudikatura para maging patas at walang takot sa powers-that-be.

Ipinamalas na ito kamakailan ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Andres Bartolome Soriano nang hindi siya mag-isyu ng arrest warrant laban kay Sen. Antonio Trillanes. Nais ng Department of Justice (DoJ) na arestuhin at isyuhan ng holdorder departure si Trillanes.

Nais ni De Lima na mag-inhibit ang hukom sa pagdinig ng kanyang kaso dahil sa umano’y “bias and partiality and acts of prejudgment” laban sa kanya.

Si Domingo ang ikaapat na hukom na nag-inhibit sa pagdinig sa kaso ng senadora. Ang iba pa ay sina Judges Antonietta Medina, Juanita Guerrero, at Myra Bayot-Quimbao. Si Domingo ang

pumalit kay Judge Patria Manalastasde Leon ng Branch 206 na nag-early retirement.

Maliwanag na iniiwasan ng mga hukom ang kaso ni De Lima, na ayon sa senadora at mga kasapi ng oposisyon ay “political persecution”, dahil matinding kritiko si De Lima ni PRRD. Isinasangkot si De Lima sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons noong siya pa ang Justice Secretary.

Gayunman, nagtataka ang karamihang Pinoy kung bakit tinanggap ng Kamara noon na maging testigo laban kay De Lima ang mga convicted drug lord at felon gayong sila ay sentensiyado na at walang kredibilidad. Ganito rin ba ang nangyari sa hukuman, pinayagang maging testigo ang mga sentensiyadong bilanggo na kaya nga nasentensiyahan ay bunsod ng pagkakasala sa batas at hindi dapat paniwalaan?

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.