Mas malaking budget para sa agrikultura
ANG mga magniniyog ngayon ang pinakamahirap sa sektor ng agrikultura, pahayag ng coconut farmer na si Danny Carranza, miyembro ng Kilusan para sa Tunay na Repormang Agraryo at Katarungang Panlipunan, ngayong linggo.
Aniya, 95 porsiyento ng 3.5 milyong ektarya ng mga taniman ng niyog sa Pilipinas ang nakalaan sa produksyon ng kopra, ang pangunahing hilaw na materyales sa paggawa ng coconut oil. Ngunit sa pagbagsak ng presyo sa pandaigdigang merkado sa nakalipas na dalawang taon, bumagsak din ang presyo ng kopra. “We are much poorer now than we were back in 1990,” saad niya.
Makatatanggap ang mga magniniyog na nagmamay-ari ng isang ektaryang taniman ng niyog o mas mababa ng P5,000 bilang tulong mula sa P24-billion stimulus package ng Department of Agriculture mula sa Bayanihan 2. Nasa katulad silang kategorya ng mga low-income na manggagawa sa Metro Manila na nawalan ng kanilang kabuhayan nang magsimulang manalasa ang COVID-19 noong Marso.
Nagsimula ag krisis sa industriya ng pagniniyog noong 1990s nang bumagsak ang pandaigdigang presyo ng langis at napilitang mag-adjuct ang mga magsasakang Pilipino sa diversification at intercropping, ani Carranza. Nasundan ito ng ilang bagyo, na sumira sa mga puno ng niyog. Hanggang sa dumating ang lockdown dahil sa COVID-19 na nagpahinto sa galaw ng mga magsasaka sa malalayong lugar.
Karamihan sa ulat sa agrikultura ng Pilipinas ay tungkol sa industriya ng bigas, bigas ang pangunahing pagkain ng mga Pilipino at anumang problema sa suplay ng bigas ay nagpapataas sa presyo sa merkado tulad noong 2016.
Lumikha ng matinding atensyon sa publiko ang krisis sa presyo noong 2016 sa national budget para sa agrikultura na matagal nang tumatanggap ng pinakamaliit na bahagi sa national budget. Sa mga nakalipas na linggo, karamihan ng mga ulat sa budget ay nakatuon sa public works project, kasama ng ilang kongresista na umano’y tumatanggap ng malaking pondo para sa kanilang distrito.
Ngayong 2020, may P65 bilyong budget lamang ang Department of Agriculture, na magpapaliwanag kung bakit hindi naibibigay sa mga magsasaka ang suportang kailangan para sa irigasyon, high-yielding rice varieties, budega at tulong sa pagbebenta. Ngayong taon, humiling ang ahensiya ng budget na P280 bilyon para sa 2021, ngunit nasa P67 bilyon lamang ang inilaan sa kanila.
Kaya naman wala tayong maaasahang bagong serbisyo ng irigasyon, walang sapat na tulong sa pagtatanim at pasilidad sa pagbebenta upang masiguro na may sapat tayong bigas para sa mga mamamayan ngayon taon at sa 2021.
At ang industriya ng pagniniyog ay magpapatuloy sa kanilang kalbaryo—maliban na lamang kung ang kasalukyang inilaang budget sa Department of Agriculture ay patataasin ng Senado upang sa National Appropriation Bill na lalagdaan ni President Duterte in December, matanggap naman ng sektor ng agrikultura ang nararapat na atensyon.