Balatkayo ng bagets bumenta (3)

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni Leifbilly Begas

NOONG teenager ka ba ay nagsisimula ka nang mangarap ng mga bagay na gusto mong mangyari sa buhay mo kapag nagkaedad ka na?

Alam mo bang may ilang teenager na hindi na nakapaghintay kaya isinakatuparan nila ang mga pangarap nila kahit pa kadalasan ay labag sa batas ang kanilang ginawa?

Sa isinulat ni Robert Grimminck sa TopTenz, ilang mga teenager ang muntik nang matakasan ang kanilang pagpapanggap at pagsisinungaling.

David Hampton

Noong 1983, nais ng 19-anyos na si David Hampton, ng Buffalo, New York, at ng kanyang kaibigan na makapasok sa Studio 54.

At sa kanilang estado ay mahihirapan sila na makapasok sa popular na club.

Kaya ang kanyang kaibigan ay nagpanggap na anak ni Gregory Peck at si Hampton ay nagkunwari na si David Poitier, anak ni Sidney Poitier. Napaniwala nila ang bouncer at sila ay pinapasok.

Matapos matikman ang sarap ng pagpapanggap naging madalas ang paggamit niya sa pangalan ni David Poitier.

Pumupunta siya sa restaurant at nagpapakilala. Sinasabi niya na naroon siya para hintayin ang kanyang ama. Dahil hindi naman ito darating pinababayaan siya ng restaurant na huwag ng bayaran ang kanyang kinain. Isang gabi pumunta si Hampton sa apartment ni Melanie Griffith at kumatok sa pinto. Pinagbuksan siya ng aktor na si Gary Sinise.

Nagpakilala siyang si David Poitier at nagpanggap na naiwan siya ng kanyang flight. Ang problema ang kanyang pera at gamit ay nasa eroplano.

Pumayag si Sinise na matulog doon si Hampton at binilihan pa ito ng almusal at binigyan ng $10.

Nakakuha si Hampton ng listahan ng mga mayayamang pamilya sa New York mula sa isang Robert Stammer.

Pinupuntahan niya ang bahay ng mga ito at nagpapakilala na kaibigan ng kanilang anak at siya ay anak ni Poitier. Sasabihin niya na kailangan nya ng matutuluyan at kinabukasan ay susunduin na siya ng kanyang ama. Marami ang naniwala sa kanya.

Nabuko ang kanyang modus habang nakikitulog sa bahay ng isang editor ng Newsweek na si Osborn Elliott.

Naabutan ni Inger si Hampton na mayroong kasamang lalaki sa kama. Pinalayas siya ni Osborn.

Tinawagan ni Inger ang isa niyang kaibigan upang ikuwento ang nangyari at sinabi nito na nakitulog din sa kanya si ‘David Poitier’.

Tumawag si Inger ng pulis at nahuli si Hampton noong Oktobre 18, 1983. Siya ay nakulong ng 21 buwan.

Ang kuwento ni Hampton ang naging batayan ng play na Six Degrees of Separation. Pinagbidahan ito ni Will Smith na gumanap sa papel na Hampton.

Si Hampton ay namatay sa komplikasyon na dala ng sakit na AIDS noong Hulyo 2003 sa edad na 39.

Frank William Abagnale

Ipinanganak si Frank Abagnale noong 1948. Ninakaw niya ang credit card ng kanyang ama at nakabuo ng scam upang makakuha ng pera mula rito.

Ang ginawa ni Abagnale ay nagdulot ng tensyon sa kanyang pamilya kaya naglayas siya sa edad na 16. Pineke niya ang kanyang ID upang palabasin na siya ay 26-anyos na.

Wala siyang pera kaya tumatalbog ang kanyang mga tseke. Naulinigan niya na upang paniwalaan ang kanyang tseke dapat ay magmukha siyang respetado. Nagpanggap siyang isang piloto.

Tumawag siya sa Pan-Am at sinabi na nawala ang kanyang uniporme at nais niya na makakuha ng bago.

Matapos makuha ng uniporme ay nagpanggap naman siyang estudyante na nagsusulat sa isang high school paper. Kinapanayam niya nag empleyado ng Pan-Am upang makakuha ng impormasyon dito.

Gumawa rin siya ng pekeng lisensya ng piloto at FAA license. Bukod sa napapalitan ang mga tseke niya na walang pondo, nakakakuha rin siya ng libreng sakay sa eruplano sa iba’t ibang bahagi ng Amerika.

Nabuko ng FBI ang kanyang ginagawa kaya nagbago ng modus si Abagnale. Nagpanggap naman siyang doktor na nagtatrabaho sa isang ospital. Makalipas ang isang taon ay lumipat siya sa New Orleans at nagpanggap naman na abugado. Kahit na wala siyang college degree sinasabing nakapasa siya sa bar exam.

Umabot sa walong personalidad ang ginamit ni Abagnale. Siya ay nahuli sa France sa edad na 21. Umabot sa $2.5 milyon ang kabuuan ng kanyang natangay.

Nakulong siya ng anim na buwan sa French prison at anim na buwan din sa Sweden. Ibinalik siya sa Amerika kung saan naman siya naharap sa 12 taong pagkakakulong.

Dalawang beses niyang tinangkang tumakas. Makalipas ang limang taon, binigyan siya ng parole matapos na pumayag na tulungan ang FBI sa isang check forging investigation.

Mula roon ay nagtayo siya ng sariling security company na tumutulong sa mga bangko at kompanya na matukoy ang mga manggagantso.

Noong 1980 ay gumawa si Abagnale ng memoir na may titulong Catch Me If You Can. Ginawa itong pelikula ni Steven Spielberg noong 2002 at pinagbidahan ni Leonardo DiCaprio.

(Editor: May tanong, reaksyon o komento ka ba sa artikulong ito? May nais ba kayong ipasulat o ipatalakay sa Bandera? Itext ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)

DAVID HAMPTON

FRANK WILLIAM ABAGNALE

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.