Dami ko allergy! Ikaw?

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni Leifbilly Begas

HASSLE kung nasa bakasyon ka, rumarampa sa beach o sa Baguio, ay bigla kang tinamaan ng allergy.

Mapapaisip ka kaagad kung ano ang iyong nakain at tinubuan ka ng mga pantal sa katawan. May mga tao na may allergy sa seafood, nuts at kung anu-ano pang pagkain kaya naman bad trip talaga.

Pero isipin mo na lang kung mayroon kang kakaibang allergy gaya ng isinulat ni Ash Grant sa TopTenz.

Kahoy

Talaga namang masakit sa bangs kung mayroong kang allergy sa kahoy. Yung tipong pag madikit ka sa kahoy ay magpapantal-pantal na ang iyong balat.

Mayroong mga tao na allergic sa partikular na uri ng kahoy, pero mayroong mga kaso na allergic sa lahat ng uri nito kahit na sa simpleng pinaglagarian lamang.

Hindi ka makagagamit ng wood pencil o color pencil. Puro ka plastic.

At isa ring problema kung pati sa papel na gawa sa kahoy ay allergic ka.

May mga kaso na hindi ordinaryong pantal lamang ang nalilikha ng allergy sa kahoy. Meron na ang epekto sa balat ay parang na third degree burn.

Bukod sa problema sa balat, ang allergy ay maaaring magdulot ng ubo at pagbahing.

Plastik

Sabi nila kapag may swimming at hindi ka marunong lumangoy, kumapit ka sa taong plastik, lulutang kasi sila sa tubig.

Sa mundong ginagalawan natin ngayon, parang napakahirap ng buhay kung allergic ka sa plastik.

Halos lahat yata ng gamit ay ginamitan ng plastik na maaaring i-recycle.

Kung mayroon kang plastic dermatitis ang ibig sabihin ay hindi ka maaaring uminom sa plastic bottle, kumain sa Tupperware at kahit na gumamit ng credit card o ATM.

Ayon sa mga kasong naitala, nagdudulot ng pangangati ng balat ang simpleng pagdikit sa plastik. Maaari ring mamula at mamaga ang balat.

Paano ka kaya mamumuhay sa ganitong kondisyon? Wala namang cellphone na gawa sa bakal o computer na gawa sa kahoy.

Nickel

Hindi pwedeng gumamit ng mumurahing alahas ang mga taong mayroong allergy sa nickel o nickel dermatitis.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa, mayroong nickel dermatitis ang isang porsyento ng populasyon sa mundo.

Noong una ay hindi pansin ang allergy na ito, pero patuloy na lumalaki ang bilang ng mga kasong ito dahil sa paggamit ng nickel sa maraming uri ng makabangong kagamitan.

Bukod sa alahas, gumagamit ng nickel sa mga cellphone, iPod at mga modernong gamit.

Hindi magiging madali ang buhay ng mga taong mayroong nickel dermatitis.

Mayroong nickel ang baryang pera, ilang uri ng damit, gunting, kitchen utensils, zipper, frame ng salamin sa mata at kahit na ang upuang bakal ay may halong nickel.

Caffeine

Kung sa pagkain ang allergy mo ay mas madali sigurong umiwas. Kailangan mo lang maging mapili sa iyong kakainin di ba?

Pero kalimitan ang mga allergy sa pagkain ang mapanganib dahil sa loob ng katawan ang epekto nito.

May mga tao na allergic sa caffeine. Ang gatiting na caffeine na nakahalo sa kanilang kinain o ininom ay maaaring magresulta sa kanilang kamatayan.

Kapag kailangang magpuyat ay hindi sila matutulungan ng kape o cola.

Kung mild naman ang tama sa kanila ng allergy, ang pag-inom o pagkain ng may caffeine ay maaaring magdulot ng delusion, anxiety attack, hallucination, pananakit ng kalamnan, pamamantal, heart palpitation at panlalabo ng mata.

May pagkakataon na nagkakaroon ng seizure ang pasyente na maaaring magresulta sa pagkamatay nito.

KAHOY

CAFFEINE

PLASTIK

NICKEL

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.