3 patay sa raid armas, bomba nasamsam

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - —John Roson

TATLO katao, kabilang ang isa umanong miyembro ng gun-for-hire group, ang napatay nang makipagbarilan sa mga pulis na nang-raid sa Currimao, Ilocos Norte, Biyernes ng umaga.

Nakarekober din ng ibaibang uri ng pampasabog, mga baril, at mga bala sa operasyon.

Kabilang sa mga napatay si Joseph Coloma, residente ng San Nicolas at kasapi umano ng Bermudez gun-for-hire group na nakabase sa Pinili, ani Chief Insp. Dexter Corpuz, tagapagsalita ng Ilocos Norte provincial police.

Minamanmanan din si Coloma para sa umano'y kinalaman sa isang insidente ng pagpatay sa Laoag City, ani Corpuz.

Tinitiyak pa ang pagkakakilanlan ng dalawa pang napatay, ayon naman sa Currimao Police.

Isinagawa ng Currimao Police, iba-ibang unit ng Ilocos Norte provincial police, at Paoay Police ang raid sa Brgy. Tapao-Tigue alas5:30.

Gamit ng mga pulis ang search warrant na inisyu ng Laoag City Regional Trial Court Branch 15 laban sa isang Delfin Guiang, residente ng naturang lugar, para sa paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, ani Corpuz.

Habang isinisilbi ang warrant ay pinaputukan ng grupo ni Guiang ang mga operatiba, kaya gumanti ang mga pulis, aniya.

Di natagpuan sa ni-raid na compound si Guiang, ayon sa Currimao Police.

Sa kalapit na bahagi na ng Brgy. Poblacion 1 nakita ang bangkay ni Coloma at ilang metro lang mula dito ay isa pang fragmentation grenade ang narekober, aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.