Bata, arsonista?

Bandera (Visayas) - - NEWS -

ALASKA, USA—Isang 7taong-gulang na batang lalaki mula sa Juneau ang umaming siya ang nasa likod ng limang sunog na naganap sa loob lamang ng apat na buwan, ayon sa mga fire officials mula sa kapital ng Alaska.

Sa isang panayam kay fire marshal Dan Jager, sinabi niyang tinatayang aabot sa $1,000 ang kabuuang pinsala ng mga sunog. Kabilang sa mga sinunog ng 7-taong-gulang na bata ang mga palikuran sa Harborview Elementary School at ang Terry Miller Legislative Building, isang damuhan sa downtown at dalawang beses na pagkasunog ng Fred Meyer store. Hindi naman isinapubliko ang pangalan ng bata.

"He won't be going to jail," ayon kay Fire Chief Richard Etheridge, ngunit sinabing ieendorso ang kaso sa mga probation officers ng Johnson Youth Center.

Sa panayam sa bata, inamin niyang isang lighter na kanyang napulot ang ginamit sa pagsusunog.

Sinabi ni Jager na hindi naman sinabi ng bata ang kanyang rason sa ginawang panununog at kung alam niya kung gaano kadelikado ang kanyang mga ginawa.

"He has no idea how big the fires could have gotten. He could have gotten hurt, and other people could have been hurt because some of those buildings were occupied. Being that age, I don't think he understood the magnitude of what could have happened," dagdag ni Jager.

Tumatayo ang lola ng bata bilang legal guardian. Anya, nagulat siya nang malamang naglalaro ng apoy ang kanyang apo.

Isang surveillance camera sa legislative building ang nakakuha ng pagpasok at paglabas ng bata sa palikuran nang maganap ang sunog.

Naapula naman ng isang maintenance worker ang sunog bagamat hindi siya tumawag ng tulong. Tumawag siya ng pulis at ibinigay ang nakuhang video footage. Tumulong din ang empleyado na makilala ang bata. Ipinakita ng lalake ang litrato ng bata sa kanyang anak na batang babae na halos kasing edad nito at nakilala naman niya.

Ayon kay Jager, maaaring ang bata rin ang nasa likod ng iba pang mga sunog. Iniimbestigahan na ng pulis at fire officials kung may kinalaman din ang bata sa sunog sa pampublikong palikuran sa isang City Hall noong Enero at Pebrero.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.