DASOL I Need DIS summer

Bandera (Visayas) - - NEWS - —Frederick M. Nasiad

Kung tourist attractions at backpacker destinations ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang lalawigan ng Pangasinan.

Nariyan ang Hundred Islands sa Alaminos, ang nakamamanghang talon (waterfalls) sa Bolinao, ang mga kaayaayang beaches sa Lingayen at ang dinarayong Minor Basilica of Our Lady of the Rosary sa Manaoag.

Pero may isa pang bayan sa Pangasinan na mayaman sa pasyalan at dagat na masarap paliguan. Ito ang Dasol. Kilala ang Dasol bilang tagagawa ng "high-grade" na asin pero unti-unti na itong pumapantay sa larangan ng turismo sa Pangasinan.

Ang pangunahing ipinagmamalaki ng bayan ng Dasol ay ang Tambobong beach na unti-unti na ring nakikilala sa tulong ng social media.

Isa kasi ito sa mga "unspoiled" beaches na hindi gaanong kalayuan sa Metro Manila.

Mula Maynila ay bibiyahe ka sa pribadong sasakyan ng lima hanggang anim na oras depende sa bigat ng trapik sa iyong daraanan.

Sakaling magko-commute naman kasama ang barkada, asahan mong aabot sa pitong oras bago mo marating ang mala-paraisong lugar ng Tambobong.

May dalawang ruta papuntang Dasol mula Maynila.

Mas mabilis kung dadaan ka ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. Ang exit mo ay sa Ramos o Paniqui sa Tarlac pagkatapos ay tatahakin mo ang Paniqui-Camiling Road patungong Pangasina n kung saan madadaanan mo ang mga bayan ng San Clemente, Mangatarem, Bugallon, Labrador, Sual, Alaminos at Burgos.

Mula sa highway ay may 19 kilometro pa ang layo papasok sa Tambobong. Mabuti na lang at natapos na ang pagsesemento ng daan patungong Tambobong kaya hindi na gaanong kahirap ang zigzag na biyahe papuntang Tambobong.

May tricycle din sa kanto na maghahatid sa inyo papasok sa Tambobong.

Ang ikalawang ruta, na mas malayo nang humigitkumulang 20 kilometro, ay daraan sa Zambales kung saan madaraanan mo ang Subic, Castillejos, San Marcelino, San Felipe, Cabangan, Botolan, Iba, Masinloc, Candelaria at Infanta.

Siguraduhin lang na may at apat o limang litrong gasolina ang sasakyan ninyo papasok sa Tambobong para may karga pa kayo palabas.

Kung sasakay kayo ng bus papuntang Dasol, may mga biyahe naman mula Metro Manila papuntang Alaminos o Dagupan sa Pangasinan o di kaya sa Iba o Sta. Cruz sa Zambales.

Sa pagpunta ko sa Dasol ay dinala ko ang aking pamilya at nakapanayam ko ang mayor ng Dasol na si Eric Verzosa.

Kasalukuyan niyang isinusulong na magkaroon ng Tourism Code ang Dasol para aniya, lalo pang mapaunlad ang turismo sa kanyang bayan at ma-regulate o ma-monitor ang mga turistang pumupunta sa Dasol.

Pumasa na ang naturang Tourism Code sa Sanggunian ng Dasol at naipasa na nila ito sa Sangguniang Panlalawigan.

"There has never been a tourism code of Dasol," sabi ni Mayor Verzosa. "Dati ordinance lang, so first time na magkakaron ng Tourism Code at si (kagawad) Nelson Espinosa ang unang nag-author nun."

Umaasa sina Mayor Verzosa at Kagawad Espinosa na papasa ang naturang Tourism Code bago matapos ang taon.

"We have a lot of tourism destinations and ang pinakaswerte ay ang Tambobong Beach which was considered as a National Tourism Destination," dagdag pa ni Mayor. "Alam naman natin kapag national tourism destination, may recognition and support for futher development from the national government."

Puti ang buhangin sa Tambobong beach at puwedeng maligo at magsagawa ng iba-ibang beach-related activity sa lugar na iyon.

Pero kung hindi ka naman takot sumakay ng bangka ay mas maganda kung mag-island hopping ka na rin.

Dalawa ang major destination ng island hopping adventure sa Tambobong: ang Colibra (Snake) Island at ang Cabacungan (Crocodile) Island kung saan may maliit na cave .

Ayon sa mga taga-roon, tinawag na Colibra ang islang iyon dahil may nakita raw ditong sea snake na isa sa mga pinakamakamandag sa buong mundo. Pero, noon pa raw iyon at ngayon ay wala na silang nakikitang ahas.

Yung isang isla naman ay tinawag na Crocodile hindi dahil sa may buwaya doon kundi dahil ang hugis ng isla ay parang buwaya sa malayuan

Sa Colibra, puwedeng magpalipas ng gabi. Walang cottage o bahay doon kaya magdala ng tent at cooking utensils.

Mabato ang islang ito pero may parte na may white sand kaya puwedeng magtampisaw kahit mga bata.

Sa Cabacungannaman, maaaliw ka sa maliit na kuweba doon kung saan puwede kang tumalon o mag dive. Mababaw lang naman ang tatalunin mo pero may kalaliman ang tubig.

Pwede mong hiramin ang life vest mula sa bangkapara makalangoy sa kuweba kung saan ang exit ay sa bungangang nakaharap sa open sea.

Kung takot tumungo sa open sea kahit may life vest ay may dalawang butas sa gilid ng kuweba na parang dalawang bintana ng isang maliit na silid. Puwede kang doon na lang lumabas kung kasya naman ang katawan mo sa nasabing butas.

Bukod sa beach ay may dalawang waterfalls ang Dasol, yun nga lang, ayon kay Mayor Verzosa ay may kalayuan sa main road at kailangan mong maglakad ng dalawang oras.

"Actually we have two major falls. Hindi lang ganun kalalaki di tulad ng Pagsanjan," sabi ni Mayor. "Napupuntahan naman, accessible. Around 30 minutes rough road na sasakyan and then another two hours na trekking."

Ang isa pang isinusulong ng Dasol ay ang agri-tourism kung saan ang major attraction ay ang kanilang mga banigan (salt beds). Tinatayang aabot sa 10,000 ang banigan sa Dasol at nakakapag-produce ito ng 18,000 metric tons (MT) na asin na siyang leading salt producer ng Pangasinan.

Noong isang linggo ay nag-celebrate ang Dasol ng taunang Asin Festival kung saan ang highlight ay ang pinakaabangang Miss Dasol pageant.

Sa mga turista ng Dasol, may hiling lang si Mayor Verzosa.

Una ay huwag sanang mag-iwan ng kalat o basura ang mga turista lalo na sa mga isla at pangalawa, huwag iuwi ang mga starfish na matatagpuan sa dalampasigan.

Hindi madaling puntahan ang Tambobong beach pero kapag natanaw mo na ang bughaw na karagatan na tila humahalik sa asul na kalangitan sa malinaw na araw, agad na mapapawi ang hirap ng biyahe at uhaw sa magagandang tanawin.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.