Notoryus Abu sub-commander dedo

Bandera (Visayas) - - NEWS - Ni John Roson

NAPATAY ng mga tropa ng pamahalaan ang isang notoryus na Abu Sayyaf subcommander sa operasyon sa Indanan, Sulu, Biyernes ng gabi, ani Armed Forces chief Gen. Eduardo Año.

Napatay si Alhabsy Misaya, itinuturing na isa sa mga pinaka-notoryus na kidnaper sa katimugang bahagi ng bansa, sabi ni Año sa isang text message Sabado.

Napatay ng mga miyembro ng Marines si Misaya sa isang field military operation alas-9:35.

Tumanggi ang military chief na magbigay ng iba pang detalye ng operasyon, dahil may nagaganap pang follow-up Sabado.

Nakaengkuwentro ng mga kawal ang grupo ni Misaya sa Brgy. Silangkan, ayon sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo.

Tumanggi rin si Brig. Gen. Restituto Padilla, AFP spokesman, na magbigay ng iba pang detalye, dahil maaari aniyang malagay sa alanganin ang operasyon.

Nagbigay lang si Padilla ng background tungkol kay Misaya.

Si Misaya ay isang Abu Sayyaf sub-commander na nakabase sa Sulu at tubong Brgy. Bunot, Indanan, ani Padilla.

May nakabinbin siyang warrant of arrest para sa kidnapping and serious illegal detention with ransom, at sangkot din sa maraming “high-profile” na insidente ng kidnaping, ayon sa military spokesman.

“Bomb expert” din si Misaya ay sangkot rin sa pambobomba noong Oktubre 2002 sa Malagutay, Zamboanga City, kung saan napatay ang U.S. serviceman na si Sgt. Mark Jackson at 23 katao, kabilang ang isa pang Amerikanong kawal, ang nasugatan, ani Padilla.

Sangkot din umano si Misaya sa pambobomba sa Salaam Bridge ng Brgy. Bato-Bato, Indanan, noong Enero 2009 at pagpapasabog sa isang coffee shop sa Brgy. San Raymundo, Jolo, noong Maso 2011, kung saan apat na sibilyan ang nasawi at 11 pa ang nasugatan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.