NPA sunod-sunod na umatake sa Davao City

Bandera (Visayas) - - NEWS -

SUNOD-sunod na nilusob ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang ilang establisimento sa Davao City kahapon na nagresulta sa pagkamatay at pagkakasugat ng ilan.

Alas-3:30 ng madaling araw ay pinasok ng 80 rebelde ang barracks ng Lapanday Food Corp. sa Brgy. Mandug, Davao City.

Pinostehan ng mga rebelde ang kalsada patungo sa lugar at hindi pinayagang makapasok ang mga tao.

Ayon kay Supt. Teresita Gaspan, tagapagsalita ng Davao City police, nagpadala na sila ng mga tauhan sa lugar, na isang bulubunduking bahagi ng lungsod, upang tugisin ang mga rebelde.

Ayon sa inisyal na ulat, isang miyembro ng NPA member napatay at marami ang nasugatan nang makipag-barilan sa mga pulis.

Nauna rito ay sinalakay ng mga rebelde ang Macandray plastic plant sa Brgy. Bunawan kung saan ay kanila ring dinisarmahan ang mga sekyu sa lugar.

Kasabay nito ang paglusob sa Lorenzo Ranch sa pagitan ng Brgy. Pangyan at Brgy. Calinan na nagresulta sa pagkakasugat ng isang guwardiya.

Kaugnay nito, tinawag ni Davao City Mayor Sara Duerte-Carpio na isang uri ng terorismo ang mga pagsalakay ng NPA.

Itinuturing din niyang “personal insult” ang ginawa ng mga rebelde dahil patuloy ang usapang pangkapayaaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.

“We condemn these acts committed by a group that pretends to champion social justice and equality. With its history of carrying out atrocities and its continued penchant for lawlessness and bloodbath, the NPA is an organization that is not worthy of our trust and respect,” ayon sa alkalde. — Radyo Inquirer

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.