‘MANUGANG NI DU30 SABIT SA SMUGGLING’

Hirit ni Trillanes sa pasabog ni Estrella

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE -

GAYA ng kanyang bayaw na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, "umeeksena" rin umano sa Bureau of Custom (BOC) si Atty. Mans Carpio, asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Kahapon ay isiniwalat sa Senado ng dating hepe ng Custom Intelligence and Investigation Services na si Col. Neil Anthony Estrella na ilang beses nagtungo si Carpio sa tanggapan ni dating Custom Commissioner Nicanor Faeldon.

“Your honor, si Atty. Mans, nakita kong pumasyal sa Bureau of Customs but not Paolo Duterte," sabi ni Estrella.

Sa pagtataya niya ay limang beses bumisita si Carpio kay Faeldon.

Hindi naman niya alam kung ano ang naging pakay ni Carpio kay Faeldon. “I am not privy to the situation. I just came down from my office and I chanced upon him (Carpio) going out of the office of the commissioner," aniya.

Nauna nang nagbitiw si Estrella sa puwesto sa harap ng kontrobersiyang kinakaharap ng BOC kaugnay sa nakalusot na ng P6.4 bilyon shabu mula sa China.

Bunsod nito ay humirit si Sen. Antonio Trillanes IV na hindi kapani-paniwala na nagtutungo lamang si Carpio sa customs para "mangamusta o mag tongits." "Mistulang family affair ng pamilya Duterte ang pakikialam o pakikipagtransaksyon sa BOC operation," dagdag niya.

“Mans Carpio has no business being there. Alam nila na influential ‘yung kanilang pamilya so hindi mo iisipin na nakikipagkwentuhan tungkol sa showbiz o anuman. So this confirms ‘yung information na ‘yung sa Davao group,” aniya.

Si Mans Carpio ay pamangkin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales. Anak si Mans ng kapatid na lalaki ni Morales na si Atty. Lucas Carpio, Jr., mister ni Court of Appeals Justice Agnes Reyes Carpio. — Inquirer.net, Liza Soriano

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.