Madalas mamulikat? Magdasal sa santo! (1)

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE -

Leifbilly Begas

MARAMING Pinoy ang naniniwala sa himala ng mga santo.Kaya naman maraming deboto ang pumupunta sa simbahan hindi lamang magdasal sa diyos kundi para umikot sa mga nakapaligid na santo upang humingi ng tulong. Meron din naman na panay ang hiling.

Ayon sa isinulat ni David Ellrod sa ListVerse, mayroong mga santo na dinadasalan sa paniwala na makapagbibigay ito ng proteksyon sa tao.

Lason

Si Saint Benedict of Nursia ay nagmula sa mayamang pamilyang Romano. Lumaki siya na nababalot sa karangyaan.

Gaya ng maraming kabataan, siya ay nagrebelde sa kanyang magulang. At upang maipakita ang kanyang pagrerebelde siya ay naging isang monk at iniwan ang karangyaan na hatid ng kanyang pamilya.

Ikinulong niya ang kanyang sarili sa kuweba sa isang bundok sa Italya at doon nagdasal at nagpakabanal.

Nakapagtayo siya ng mga monasteryo kabilang ang Monto Cassino kung saan siya namatay.

Pero hindi lahat ay bilib sa ginagawa ni Benedict. Isang grupo ng mga monk ang lumapit sa kanya at hiniling na kanilang maging lider.

Noong una ay hindi pumayag si Benedict pero napilit din ito. Pero marami ang hindi nakagusto sa kanyang pamamalakad.

Isang araw nagsabwatan ang mga monk na siya ay lasunin. Hindi naman tumalab ang lason kay Benedict kaya siya ay dinadasalan ng mga taong ayaw malason.

Tenga

Si Saint Polycarp of Smyrna ang isa sa mga “Fathers of the Church” na nakilala dahil sa paglalagay ng pundasyon ng aral na itinuturo ng Kristiyanismo.

Isa siya sa mga tinuruan ni St. John the Apostle kaya sinasabi na siya ay natuto sa taong naglakad kasama ni Hesus.

Siya ay nagkaroon din ng mahabang buhay. Siya ay namuno sa Smyma (ngayon ay Izmir, Turkey) nang 70 taon bilang obispo.

Pumanaw lang siya dahil ipinapatay siya ng mga opisyal ng Roma dahil ayaw niyang talikuran ang kanyang paniniwala.

Itinali siya sa isang kahoy at sinindihan. Nang hindi pa rin siya mamatay, siya ay pinagsisibat at pinagtataga.

Sinasabi na siya ay naging santo ng pananakit ng tenga (earaches) dahil sumakit ang tenga ng mga Romano dahil sa kanyang pangangaral sa kanila.

Buntis

Si Saint Ulric of Augsburg ay nagsilbi sa diocese of Augsburg sa Germany.

Noong bata pa, siya ay nanilbihan sa kanyang tiyuhin na si Adalbero na dating obispo ng kanilang lugar.

Nang maging bishop si Ulric, umiwas siya sa impluwensya ng Holy Roman Emperor at nanatili madalas sa kanyang bahay kasama ang mga deboto.

Nakapagtayo siya ng maraming simbahan at naging matatag ang kanyang pamumuno sa lugar.

Ayon sa mga kuwento, kapag si Ulric ang nagmimisa ang nabibiyayaan ay ang mga babaeng nagdadalantao. Nagiging madali umano ang pagluluwal ng mga ito ng sanggol.

Sa panahon nila, maraming sanggol ang namamatay at kadalasan ay maging ang nagluwal nito.

Sugat

Si Saint Amalburga ay isang Belgian na nagmula sa mayamang pamilya. Iniwan niya ang karangyaan ng buhay upang makapaglingkod sa Diyos.

Nag-asawa siya sa murang edad at tatlo sa kanyang mga anak— sina Gudila, Reinelda, at Emembertus, ay kinilala rin bilang mga santo.

Nang lumaki na ang kanilang mga anak, naging relihiyoso si Amalburga kasama ang kanyang mister. Itinuon nila ang buhay sa pagsunod sa simbahan.

Si Amalburga ay naging madre at ang kanyang mister ay naging monk.

Siya ay naging santo laban sa mga sugat o galos dahil sa kuwento kaugnay ng kanyang manliligaw.

Na-in love sa kanya ang isang lalaki, na naging si Charlemagne. Pinilit umano siya ng lalaki na umalis sa simbahan at sumama sa kanya. Habang nagdarasal ay bigla na lamang umano siyang hinila ng lalaki.

Nasugatan si Amalburga at nabali ang kanyang braso. Pero nagkaroon umano ng himala, gumaling ang kanyang braso na parang walang nangyari gayundin ang kanyang mga galos.

Humingi ng tawad ang lalaki sa kanyang nagawa at tinanggap naman ito ni Amalburga.

Higad

Isang Benedictine priest si Saint Magnus of Fussen.

Pinamunuan niya ang isang monasteryo sa Switzerland at ikinalat ang salita ng Diyos sa lugar na tinatawag natin ngayong Bavaria.

Ang mga kuwento tungkol sa kanya ay kaugnay ng kakayanan niya na makipagusap o makipagugnayan sa mga hayop.

Ang pinakasikat ay ang pagbibigay niya ng proteksyon laban sa mga caterpillar at ang kanyang pakikipaglaban sa isang baby dragon.

Sa bayan ng Fussen, naghasik ng lagim ang isang baby dragon. Sa halip na labanan ang dragon, nakipag-usap siya rito upang ayusin ang kanyang problema sa mga tao sa lugar. Naayos naman niya ang hindi pagkakasundo ng dalawang panig.

Kapag mayroong problema tungkol sa mga hayop, gaya ng mga daga at caterpillar na pumepeste sa mga pananim, si Magnus ang tinatawag para kausapin ang mga ito.

Itutuloy

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.