Madalas mamulikat? Magdasal sa santo! (2)

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni Leifbilly Begas

MARAMING Pinoy ang naniniwala sa himala ng mga santo. Kaya naman maraming deboto ang pumupunta sa simbahan hindi lamang magdasal sa Diyos kundi para umikot sa mga nakapaligid na santo at humingi ng tulong.

Ayon sa isinulat ni David Ellrod sa ListVerse, mayroong mga santo na dinadasalan sa paniwala na makapagbibigay ito ng proteksyon sa tao. At hindi lamang mga simpleng hiling ito.

Pulikat

Isang sundalo si Saint Maurice. Siya ay naging kumander ng Roman legion sa huling bahagi ng imperyong Romano.

Ayon sa kuwento, ang kanyang pinamunuang legion ay binubuo ng mga sundalong Kristiyano na nanggaling sa Thebes, Egypt.

Sa mga painting at stained glass window ay inilalarawan siya bilang isang maitim na lalaki na mayroong wangis ng isang Aprikano.

Batay sa nakalap na kuwento, noong 286 sa Gaul ay inutusan si Maurice na magsagawa ng pagan sacrifice upang patnubayan sila ng mga Roman god sa kanilang pakikipagdigma.

Tumanggi si Maurice kasama ang ilan niyang sundalo na ikinagalit naman ng mga mas mataas sa kanya.

Pinugutan siya at ang lahat ng hindi sumunod.

Hindi malinaw kung nanalo ang mga Romano dahil sa pag-aalay nila ng mga Kristiyano.

Hindi rin malinaw kung bakit si Maurice ang naging santo laban sa cramps, pero para sa isang tao na handang mapugot ang kanyang ulo para sa kanyang pananampalataya ay tatawanan lang niya ang pulikat.

Bangungot

Si Saint Raphael ay hindi isang tao gaya ng ibang santo na nabanggit sa artikulong ito. Isa siya sa mga archangel na kinikilala ng Simbahang Katolika.

Ginawa siyang santo dahil sa malaking nagawa niya para sa sangkatauhan. Kilala siya bilang patron saint ng pagpapagaling.

Sa Lumang Tipan ay sinasabi na siya ang naging tagapagbantay ng Tobit at kanyang anak na si Tobiah sa pakikipaglaban sa mga masasamang espiritu. Pinagaling din niya si Tobit matapos itong mabulag.

Dahil sa pakikipaglaban niya sa demonyo, siya ay itinuturing nilang mortal na kaaway.

Ang bangungot o masamang panaginip ay iniuugnay sa binabagabag na isip at kaluluwa at ang pananaig ng masama kaya si Raphael ang kailangang santo upang umusig sa kanila.

Tulog

Isang martyr sa Roman Empire si Saint Vitus.

Siya ay 12 taong gulang nang maging Kristiyano sa tulong ng dalawang empleyado ng kanyang ama— isang tutor at isang nurse.

Nang malaman ito ng ama ay labis itong nagalit. Pinahirapan niya ang tatlo upang tumalikod sa pagiging Kristiyano.

Tumanggi ang tatlo kaya ipinag-utos ng ama na sila ay ihulog sa kumukulong mantika kung saan sila namatay.

Kasama umanong inihulog ang isang tandang. Sinasabi na ito ay dahil mahirap gisingin si Vitus.

Ito ang dahilan kung bakit si Vitus ang kailangan mong dasalan kung ayaw mong ma-late sa iyong appointment.

Ulcer

Si Saint Charles Borromeo ay isang Renaissance cardinal at obispo ng Milan.

Mayaman ang kanilang pamilya at lalong nadagdagan ang kanyang yaman nang mamatay ang kanyang kapatid na lalaki.

Nang mamatay ang kanyang kapatid ay marami ang humimok sa kanya na talikuran ang simbahan at asikasuhin ang kanyang yaman dahil siya ang huling lalaki sa kanilang pamilya.

Pinagbebenta niya ang kanyang mga ari-arian at itinulong ito sa mga mahihirap. Ipinambili niya ang mga ito ng pagkain upang mayroong makain ang mga walangwala.

Marami siyang natulungan nang dapuan ng peste ang Milan. Ang peste ay pinaniniwalaan na nagdudulot ng ulcer sa mga biktima.

Kaya si Charles ang naging patron ng mga ayaw magkaroon ng ulcer.

Artillery

Kung takot ka na mapatay ng artillery o mga malalakas na armas gaya ng kanyon, magdasal ka kay Saint Barbara.

Hindi naman ibig sabihin ay namatay ang santa dahil tinamaan ito ng mga kanyon, hindi pa ito naiimbento noong kanyang panahon.

Noong bata pa, ikinulong si Barbara ng kanyang tatay. Isang tutor na nagtuturo sa kanya ang nagbigay-daan upang siya ay maging Kristiyano.

Nalaman ito ng kanyang tatay at ito ay nagalit. Pinahirapan niya si Barbara upang talikuran ang kanyang pananampalataya kay Kristo.

Nang hindi ito sumang-ayon, ibinigay si Barbara ng kanyang ama sa otoridad.

Ipinag-utos ang pagpugot kay Barbara at ang kanyang ama ang nagboluntaryo na gumawa nito.

Matapos mamatay, sinasabi na tinamaan ng kidlat at nasunog ang kanyang ama at ang nagutos na siya ay pugutan.

Naniniwala ang mga deboto na makapagbibigay ng proteksyon si Barbara laban sa dumadagundong na kamatayan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.