6 todas sa amok sa condo

PNP pasok sa massacre; security agency kakasuhan

Bandera (Visayas) - - NEWS - Ni John Roson

SINISILIP ng pulisya ang mga posibleng kakulangan sa seguridad sa condominium sa Pasay City kung saan anim katao ang nasawi at apat pa ang nasugatan sa pananaksak Martes ng gabi.

Iniimbestigahan na ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ang "security lapses" at mga maaaring ipataw na kaparusahan sa security agency na kinontrata ng condominium, ani Dir. Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Region Police Office.

Kabilang sa mga nasisilip na security lapse ang kawalan ng security guard na nagbabantay sa closed-circuit television (CCTV), sabi ni Albayalde sa mga reporter.

Kungmay guwardiyang nakabantay sa CCTV ay maaaring nalaman agad nila na patalim lang ang gamit ng suspek at ito ay nadisarmahan, aniya.

Mabilis din sanang naiulat ang insidente sa kalapit na police community precinct kung agad nalaman ng mga guwardiya ang nagaganap sa CCTV, sabi pa ng NCRPO chief.

Naganap ang insidente alas-6:30 sa Central Park 2 Condominium.

Lumabas sa imbestigasyon na nagtalo muna ang suspek na si Alberto Garan at kanya umanong nobya na si Emely Sagun sa loob ng condominium unit ng kapatid ng huli.

Balak umanong makipaghiwalay ni Sagun kay Garan, na kapwa niya taga-Cagayan at nagtungo sa Maynila para mag-aral ng massage therapy.

Sa gitna ng pagtatalo ay lumabas ng unit si Garan pero bumalik na may dalang kutsilyo't kalibre-.38 revolver.

Sinubukang paputukan ni Garan si Sagun pero nag-jam umano ang baril, kaya sinaksak ang babae at itinulak pababa mula sa ika-16 palapag ng gusali. Narekober ang bangkay ni Sagun sa basement.

Paglabas ni Garan ay pinagsasaksak din niya ang mga nakasalubong na tao, kung saan apat ang nasawi at apat pa ang nasugatan.

Nakilala ang apat na nasawi bilang sina Ligaya Dimapilis, 36; Leticia Ecsiagan, 50; Daisery Castillo, 12; at 70-anyos na si Joel Palacios, dating mamamahayag ng Philippine Daily Inquirer, Manila Times at nagtrabaho rin bilang publicist ng Social Security System.

Sugatan naman sina Belcris Elorde, April Joy Sagarino, Arlyn Cordero, at Margie Morales, na pawang mga nasa "stable" na ang kondisyon.

Napatay si Garan ng mga rumespondeng pulis sa ika-22 palapag ng condominium.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.