IKA-6 LANG ANG PILIPINAS SA SEAG

Bandera (Visayas) - - NEWS - —Angelito Oredo

KUALA LUMPUR, Malaysia — Tumapos lamang sa ikaapat na puwesto ang pinakahuling atleta ng Pilipinas na sumabak sa short track speed skating 1,000-meter event na si Kathryn Magno upang tapusin ang malamyang kampanya ng bansa kahapon sa 29th Southeast Asian Games Games dito sa Bukit Jalil Sports Complex.

Kinapos si Magno na makapag-ambag ng medalya sa bansa matapos itong kapusin at magkasya na lamang sa ikaapat na puwesto sa naitalang oras na 1:51.893.

Dahil dito ay tinapos ng Pilipinas ang kampanya sa Kuala Lumpur na may 24 ginto, 33 pilak at 64 tansong medalya.

Ito ang ikatlong sunod na pagkakataon na nagtapos ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto kahit pa mayroon itong kabuuang 493 atleta na sumabak sa 404 event mula sa 37 sa pinaglabanang 38 sports. Tanging sa cricket lamang hindi sumali ang bansa.

Pinakahuling nag-ambag ng medalya sa kampanya ng bansa ang men’s sepak takraw sa iniuwi nitong pilak sa men’s regu matapos mabigo sa finals at ang koponan ng squash nina Reymark Begornia, Robert Andrew Garcia, David William Pelino, at Juan Rafael Yam sa men’s team na nabigo kontra Singapore, 1-2.

Tansong medalya naman ang naibigay ng women’s squash team nina Isabelle Gotuaco, Jemyca Aribado, Joan Arebado, at Yvonne Dalida habang sa taekwondo ay nagdagdag ng tanso si Francis John Agojo sa kyorugi under 63kg (bantam) division at pilak kay Kirstie Elaine Alora sa kyorugi under 73kg (middle) division.

Hindi umabot ang Pilipinas sa tinatarget nitong manalo ng 50 gintong medalya sa Kuala Lumpur.

Sa katunayan, ang 24 na nakuha nito ay mas mababa sa 29 na naiuwi ng Pilipinas noong 2013 sa Myanmar at 2016 sa Singapore.

Ang pinakamababang nakuha ng Pilipinas ay 20 ginto sa Brunei noong 1999 ngunit noon ay 233 gintong medalya lamang ang pinaglabanan sa 21 sports.

Ang patuloy na pagkakalugmok ng Pilipinas sa SEA Games ay inaasahang magiging hamon sa mga atleta, coaches at sa mga sports officials lalo pa’t tinanggap ng bansa ang paghohost sa kada dalawang taong torneyo sa 2019.

Sapormalna pagsasara ng naturang multi-sport event Miyerkules ng gabi, hindi na naganap ang inaasahang grand performance sa turn-over ceremony matapos na ayawan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang ideya at nagkasya na lamang sa simpleng seremonya.

Isinauli rin ang P8.1milyon na tseka na ipinadala ng sponsor na Department of Tourism.

Mismong si POC president Jose “Peping” Cojuangco ang tatanggap ng simbolikong SEA Games Federation council flag kay outgoing president HRM Yam Tunku Sri Imran bago ito ibibigay kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na siya namang mangunguna sa paghohost ng bansa sa 2019.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.