Biktima ng ‘Yolanda’ wagi sa Batang Pinoy

Bandera (Visayas) - - NEWS -

DUMAGUETE City – Sinandigan ni Chloe Sophia Laurente ng Ormoc City ang kanyang mapait na karanasan na halos malunod sa idinulot na pagbaha ng Bagyong Yolanda noong 2013 tungo sa pagiging kampeon at pagwawagi ng apat na gintong medalya sa 2017 Batang Pinoy Visayas qualifying leg dito sa Lorenzo Teves Memorial Aquatic Center.

“Muntik po kasi kami noon malunod noong nagbaha sa lugar namin dahil sa Bagyong Yolanda kaya ang ginawa po sa amin ng mga magulang namin ay pinaturuan nila kami na lumangoy ng kapatid ko,” sabi ng 12anyos at Grade 7 sa Ormoc National High School na si Laurente.

Ang masamang karanasan ay nagtulak kay Laurente ng Ormoc City na mag-aral at matutong lumangoy dahil sa naranasan na muntik na malunod dahil sa naganap noon na matinding pagbaha na dulot ng super typhoon Yolanda at tungo sa pagiging isa sa mga batang multi-medallist sa isang linggong torneo.

Nagwagi si Laurente sa girls 12 & under 200m individual medley (2:49.38), 50m backstroke (35.18), 100m butterfly (1:16.71) at 50m butterfly (33.60).

Ang apat na gintong medalya ang pinakauna naman ni Laurente mula nang sumali sa aktibong kompetisyon kung saan tatlong beses itong nakasali sa Palarong Pambansa ngunit nabigong makapagwagi ng medalya habang una nito sa paglahok sa Batang Pinoy.

Tinanghal na may pinakamaraming inuwi na limang ginto ang 12anyos na si Kyla Soquilon ng Aklan matapos na huling magwagi sa girls 1315 100m backstroke (1:11.99), 50m butterfly (31.57) at 200m medley relay (2:25.75). Una itong nagwagi sa 200m individual medley (2:39.60) at 50m backstroke (33.58). Tangi itong nabigo sa 200m backstroke.

May apat na ginto rin si Gabriel Manigque ng Tagbilaran City na nagwagi sa boys 13-15 400m freestyle (4:36.66), 100m backstroke (1:07.88), 50m backstroke (31.17) at 200m backstroke (2:27.41).

Asam naman ng 14-anyos na si Manigque, na varsity athlete sa University of the East Manila, na mapabilang sa pambansang koponan kung kaya sinasalihan nito ang lahat ng mga malalaking torneo tulad ng Batang Pinoy. — Angelito Oredo

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.