2 parak dinukot ng NPA

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni John Roson

DINUKOT ng mga hinihinalang kasapi ng New People's Army ang dalawang pulis mula sa police box sa Placer, Surigao del Norte, Lunes ng hapon, ayon sa mga otoridad.

Sinunggaban sina PO2 Alfredo Degamon Jr. at PO2 John Paul Doverte, kapwa beat patroller ng Placer Police, ala-1:40, sa kanilang outpost na nasa bahagi ng National Highway sa Brgy. Bad-as, ayon sa ulat ng Caraga regional police.

"While on duty, naabduct po sila sa police box... may police box po dun sa junction kasi may market, mga terminal ng jeepney at bus," sabi sa BANDERA ni SPO1 Zena Panaligan, duty officer sa public information office ng regional police, Lunes ng gabi.

Puwersahang isinakay ng mga armado sina Degamon at Doverte sa isa sa dalawang van na kanilang ginamit.

Pinaniniwalaang dinala sina Degamon at Doverte sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Mabini, doon din sa Placer, kung saan natagpuan ng mga tumugis na sundalo at pulis ang mga van na inabandona.

Tinatayang 20 rebelde ang dumukot sa dalawang pulis, dagdag ni Maj. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Armed Forces Eastern Mindanao Command.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.