Judge tinumba; gunman dakip

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - — John Roson

NASAWI ang huwes matapos barilin ng lalaki sa Presentacion, Camarines Sur, Martes ng hapon, dahil umano sa away sa lupa.

Binawian ng buhay sa ospital si Judge Ricky Begino, ng San JoseLagonoy Municipal Circuit Trial Court, alas-8 ng gabi dahil sa tama ng bala sa leeg, ani Senior Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.

Naganap ang pamamaril alas-5, sa Zone 3, Brgy. Sta Maria.

Nakatayo si Begino sa bukana ng isang kalsada nang barilin ni Wilfredo Armea, residente ng naturang lugar, ani Calubaquib.

Unang dinala si Begino sa Rural Health Unit ng Presentacion saka nilipat sa NICC Doctors Hospital ng Naga City, kung saan siya binawian ng buhay habang nilulunasan.

Tumakas ang suspek na si Armea matapos ang insidente, ngunit nadakip ng mga pulis Miyerkules ng umaga, ani Calubaquib.

Tinitingnan ngayon ng pulisya ang posibilidad na nag-ugat sa away sa lupa ang pamamaslang, aniya.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.