'Pagpatay sa pari wag isisi kay Duterte'

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - —Bella Cariaso, Liza Soriano

KINONTRA ng Palasyo ang pahayag ng mga obispo na pinapatay ang mga pari bunsod ng nga banat ni Pangulong Duterte sa mga kaparian.

“No. He has never incited these killings,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Idinagdag niya na kaisa rin ang Palasyo sa pagkondena ng Simbahan sa sunod-sunod na pagpatay sa mga pari, partikular kina Fr. Mark Ventura, Fr. Tito Paez at Fr. Richmond Nilo.

“The government and the Philippine National Police have mounted investigations into these crimes and have vowed to bring the perpetrators to justice. The PNP shall also be working closely with the Church, especially the hierarchy and the clergy, on measures to protect our priests,” giit ni Roque.

Matatandaang huling binanatan ni Duterte ang Simbahan sa kanyang talumpati sa Filipino community sa South Korea kung saan ibinahagi pa ang isang aklat kaugnay ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga pari.

Nais ding paimbestigahan ni Sen. Risa Hontiveros ang pagpaslang sa tatlong pari at tangkang pagpatay sa isa pang alagad ng Simbahan.

Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution no. 764 na naglalayon na imbestigahan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang mga pagpatay.

Nais ng resolusyon na alamin kung ang pagpatay sa mga pari ay katulad ng pagpaslang sa mga sangkot sa ilegal drugs.

Sa panayam, iginiit ni Hontiveros na "mistulang tokhang na rin ang nagaganap na pagpaslang sa mga pari matapos na batikusin ng Pangulong Duterte."

Pinatay noong Linggo sa loob mismo ng simbahan si Fr. Nilo, si Ventura noong Abril 28 at si Fr. Paez noong Disyembre 4. Nakaligtas naman sa pananambang si Fr. Rey Urmenda noong Hunyo 6.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.