Yaman din lang...(1)

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni Leifbilly Begas

Sino ang gustong yumaman, itaas ang kamay? Ayon sa isinulat ni Radu Alexander sa ListVerse, mayroong mga kayamanan na nananatiling nakatago.

At kung gusto mong yumaman ay bitbitin na ang pala at simulan na ang paghahanap kung naniniwala ka na totoo ang mga ito.

Reynolds Gang Loot

Ang Reynolds Gang ay isang grupo umano ng mga sundalo na lumaban para sa Confederation, pero may mga naniniwala na sila ay isang grupo ng mga bandido na gustong yumaman.

Maraming natangay na yaman ang grupo mula sa mga tren sa Colorado Territory noong 1864.

Sinasabing itinago nila ang kanilang mga ninakaw sa Mount Logan.

Ang lider ng grupo na si John Reynolds ay namatay noong 1871. Bago namatay ay naibulong umano niya kung saan nila itinago ang mga ginto sa kanyang partner na si Albert Brown.

Ang sabi sa Geneva Gulch ay kailangan mong kumanan at sundan ang bundok hanggang sa makarating sa Deer Creek kung saan matatagpuan ang isang lumang daluyan ng tubig.

Mayroong makikitang puno roon kung saan nakataga ang isang itak. Sundan ang direksyon na itinuturo ng itak upang mahanap ang daan.

Ayon sa kuwento, sinundan ni Brown ang direksyon pero bago makarating doon ay nagkaroon ng sunog kaya nagulo ang daan at hindi na mahanap ang mga landmark.

Ito umano ang dahilan kung bakit hindi pa nakukuha ang ninakaw na yaman.

Lake Michigan Gold

Mayroong umanong tipaktipak na ginto sa ilalim ng Lake Michigan.

Ito ay kung papaniwalaan si George Alexander Abbott, dating vice president ng Hackley National Bank na namatay noong 1921.

Ayon kay Abbott, lulan ng isang barko ang mga ginto at patawid sa Lake Michigan noong 1890s nang humagupit ang isang malakas na bagyo.

Upang hindi lumubog ang barko ay kinailangang itapon ang mga ginto.

Ikinuwento ni Abbott ang kanyang nalalaman sa lighthouse keeper na nagkuwento naman nito sa iba.

Mayroong mga naniniwala na totoo ang kuwento gaya ng mga diver na sina Kevin Dykstra at Frederick Monroe.

Naniniwala ang dalawa na ang mga ginto ay kinuha ni dating Confederate General Robert H.G. Minty na bayaw ni Abbott.

Noong 2014 ay sumikat sina Dykstra at Monroe nang madiskubre nila ang shipwreck na pinaniniwalaang labi ng barkong Le Griffon na lumubog noong 1679. Pero sa huli natukoy na ito ay isa lamang tugboat.

Copper Scroll

Sa kalagitnaan ng 20th century, halos 1,000 ancient Jewish text ang nadiskubre. Tinawag ang mga itong Dead Sea Scrolls.

Naging interesado ang mga treasure hunter sa scroll 3Q15 na tinawag na Copper Scroll--- ito ang nag-iisang nakasulat sa metal sheet sa halip na sa papyrus o parchment gaya ng iba.

Hindi rin religious text ang laman nito kundi inventory ng 64 na lokasyon kung saan matatagpuan ang tipak-tipak na ginto, pilak at iba’t ibang mamahaling bato. Sinasabing bilyon ang halaga ng mga ito kaya marami ang interesado.

May mga historian na naniniwala na maaaring natagpuan ng mga Romano ang kayamanan noong Jewish-Roman Wars.

Kung hindi man, posible umano na kinuha na ng mga Hudyo ang kayamanan upang maitayo ang kanilang siyudad mula sa pagkasira dahil sa gera.

Pero kung si Robert Eisenman ang tatanungin, ang mga Knights Templar ang nakakuha sa kayamanan noong First Crusade.

Hindi basta maintindihan ang nakasulat sa Copper Scroll at ang makakaintindi lamang ng direksyon nito ay ang mga tao na nakakaalam o pamilyar sa lugar.

Halimbawa ng clue na ibinigay ay nakatago ang kayamanan sa gutter na nasa ilalim ng isang tangke, at nakatago sa funeral shrine sa third row ng mga bato.

Llanganates

Noong 1532, sinakay ng Spanish conquistador na si Francisco Pizarro ang Inca Empire sa Cajamarca at nahuli ang lider nito na si Atahualpa.

Ang labi ng gusali kung saan ikinulong ang emperor o hari ng Inca ay matatagpuan pa rin ngayon at tinatawag na Ransom Room.

Ito ang tawag sa kuwarto dahil nangako si Atahualpa na pupunuin ang kuwarto ng ginto at ang dalawa pang silid ng pilak kapalit ng kanyang kalayaan.

Noong una ay pumayag si Pizarro kaya naghanap ng ginto ang mga Inca.

Nagbago ang isip ni Pizarro at ipinag-utos niya ang pagpatay kay Atahualpa. Nang malaman ito ng mga Inca ay itinago nila ang kayamanan na kanilang inipon sa isang umanong kuweba sa Llanganates mountain range sa Ecuador.

Limampung taon mula sa pagkamatay ni Atahualpa sinasabing biglang yumaman ang Espanyol na si Valverde. Sinabi umano ng napangasawa niyang Inca kung saan matatagpuan ang kayamanan.

Sinasabi naman na ang English botanist na si Richard Spruce ang nakadiskubre sa kuweba kung saan itinago ang kayamanan gamit ang direksyon na ibinigay ni Valverde noong 19th century.

Ganito rin ang sinabi ng treasure hunter na si Barth Blake na misteryosong nawala pagkatapos.

Palmyra Atoll

Sa gitna ng Pacific Ocean ay mayroong lugar na tinatawag na Palmyra kung saan umano itinago ng mga pirata ang kanilang mga nakuhang kayamanan.

Noong 1816, ang barko ng Espanya na Esperanza ay naglalayag dala ang mga ginto na nakuha sa Peru nang salantain ng bagyo.

Nasira ang barko kaya walang nagawa ang mga Kastila ng dumating ang mga pirata na kumuha sa kanilang mga kargamento bago pinalubog ang kanilang barko.

Habang papunta naman sa Macao ang mga pirata ay binagyo sila kaya sumadsad sa coral reef na nakapaligid sa Palmyra Atoll.

Dito itinago ng mga pirata ang mga dala nilang kayamanan. Sampu sa mga pirata ang naiwan sa isla at ang iba ay nagpatuloy sa paglalayag upang kumuha ng kanilang mga kailangan sa paglalakbay pero hindi na nakabalik.

Nang maubos ang suplay, nagdesisyon ang anim na maglayag sakay ng bangka.

Itinaob ng malakas na alon ang kanilang bangka at dalawa ang nakuha ng mga maglalayag na Amerikano pero isa sa kanila ang namatay habang papunta sa San Francisco.

Ang naiwang buhay ay si James Hines. Isinulat niya ang kanilang sinapit at namatay makalipas ang isang buwan.

Makalipas ang 100 taon ay isinapubliko ni William Foster, isang harbormaster sa Honolulu, ang sulat. Ibinigay niya ito sa Honolulu Star-Bulletin.

Walang nakakaalam kung ano ang nangyari sa apat na naiwan sa isla.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.