Away sa trabaho: militiaman todas

Bandera (Visayas) - - BALITA -

NASAWI ang militiaman matapos pagbabarilin ng kabaro, sa loob ng kanilang detachment sa Pikit, North Cotabato, kamakalawa ng gabi, dahil umano sa alitan sa pagduduty.

Naganap ang insidente sa gitna ng opensiba-militar na isinasagawa sa kalapit na Liguasan Marsh, para itaboy ang mgakasaping Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Nasawi si Esmail Tanto, ng Civilian Active Auxiliary (CAA), matapos pagbabarilin ni Alberto Caburnay Jr., miyemrbo din ng CAA, ani Supt. Bernard Tayong, tagapagsalita ng North Cotabato provincial police.

Naganap ang insidente alas-8:45, sa loob ng command post ng 31st North Cotabato CAA Company sa Brgy. Ginatilan.

Nanonood ng telebisyon si Tanto at iba pang militiaman, nang dumating si Caburnay at biglang pinaputukan ang una, gamit ang isang M14 rifle, ani Tayong.

Napag-alaman sa imbestigasyon na ilang minuto lang bago ang insidente ay nagtalo sina Tanto at Caburnay.

"Duty daw ata, parang may alitan sila sa relyebohan. Maliit na bagay lang, na naipon-ipon," sabi ni Tayong sa BANDERA, nang hingan ng karagdagang detalye.

Dinala ng iba pang militiaman si Tanto sa Cruzado Medical Hospital, ngunit di siya umabot nang buhay. Itinurn-over na ang mga labi sa kanyang pamilya, sa Brgy. Langayen.

Natagpuan naman sa crime scene ang walong basyo ng M14 rifle.

Inaalam pa ang kinaroroonan ni Caburnay, na huling nakitang tumakas patungo sa direksyon ng Brgy. Ladtingan.—John Roson

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.