Garcia naagaw ang solo lead sa National Chess Championship

Bandera (Visayas) - - BALITA -

TINALO ni International Master Jan Emmanuel Garcia si Fide Master Mari Joseph Turqueza para maagaw ang solong liderato matapos ang ikapitong round ng 2018 National Chess Championship Grand Finals sa Activity Hall ng Alphaland Makati Place sa Makati City Miyerkules ng gabi.

Dahil sa natamong panalo ay nakamit ni Garcia ang kabuuang 5.5 puntos, na isang buong puntos na kalamangan kina Turqueza, IM Haridas Pascua, IM Paulo Bersamina at Grandmaster John Paul Gomez.

Tumabla muna si Garcia kay Gomez sa ikaanim na round Miyerkules ng umaga.

Nagwagi si Gomez kay National Master Rolando Andador sa ikapitong round.

Dinaig ni Bersamina si Jonathan Maca Jota sa ikaanim na round at tumabla kay IM Chito Garma sa ikapitong round.

Si Pascua, ang defending champion, ay tinalo si

Turqueza sa ikaanim na round bago humirit ng tabla kay GM Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa ikapitong round.

Si Antonio ay natalo kay IM Richelieu Salcedo III sa ikaanim na round.

Si Salcedo ay pinayuko naman si Jeth Romy Morado sa ikapitong round.

Sina Salcedo at Antonio ay magkasalo sa ikaanim hanggang ikapitong puwesto na may tig-4.0 puntos.

Si Morado ay nasa ikawalong puwesto na may 3.5 puntos na sinundan naman nina Garma at Andador na may tig-2.5 puntos.

Si Jota ay nasa ika-11 puwesto na may 1.5 puntos matapos talunin si Fide Master Roberto Suelo Jr. sa ikapitong round. Napako si Suelo sa 0.5 puntos at nasa huling puwesto.

Ang weeklong chess event ay suportado ng National Chess Federation of the Philippines, Philippine Sports Commission at Alphaland Mall.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.