Van nahulog sa beach: 5 madre sugatan

Bandera (Visayas) - - FRONT PAGE - Ni John Roson

LIMANG madre ang nasugatan nang mahulog sa kalsada at bumagsak sa beach ang sinasakyan nilang van, sa Cagwait, Surigao del Sur, kamakalawa ng hapon.

Sugatan ang driver na si Sr. Lydia Altares, 45; at mga sakay niyang sina Srs. Joelen Garay, 26; Yustina Uran, 31; Maria Alfonsa, 29; at Sheera Pederano, 26, ayon sa ulat ng Caraga regional police.

Mula ang lima sa Our Lady of Pompei School ng Lianga, Surigao del Sur.

Naganap ang insidente alas-5, sa bahagi ng National Highway na sakop ng Sitio Hinayhayan, Brgy. Bacolod.

Minamaneho ni Altares ang berdeng Hyundai van (MCD-836) mula Lianga patungong Tandag City, nang mahulog ang sasakyan sa banging nasa gilid ng kalsada, at bumagsak nang pataob sa pampang.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinasabing bigla na lang nawalan ng kontrol sa manibela si Altares, ayon sa pulisya.

Dinala ng mga rescue team ng Cagwait at Bayabas ang mga madre sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center ng Tandag City, dahil sa pinsala sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.