True ba, Diego diretso sa rehab matapos ma-confine sa ospital?

Bandera (Visayas) - - Front Page - BY REGGEE BONOAN

FOLLOW-UP ito sa istorya namin tungkol kay Diego Loyzaga na umano’y sinaktan ang sarili kaya itinakbo sa St. Lukes Hospital nitong Martes ng gabi na nakalabas na rin daw nitong nakaraang Huwebes.

Base sa kuwento ng aming source, hindi sa kanilang bahay dumiretso si Diego mula sa ospital kundi sa isang rehabilitation center.

Hula ng lahat ay na-depress ang aktor dahil siya na mismo ang nagsabi sa isang panayam na tuwing sasapit ang "Ber" months ay nakararamdam siya ng pagkalungkot, lalo na kapag naaalala niya ang kanyang lolo na sobrang close sa kanya.

Ang sinasabing lolo ng aktor ay ang ama ni Teresa Loyzaga na si Carlos "Caloy" Loyzaga na kilalang bastketball player at coach noon.

Kuwento ng aming source, “Lumabas na si Diego (sa ospital), inilipat siya sa rehab at wala namang imik nu’ng sumakay siya (sa sasakyan). He was brought near in Cubao, malapit sa Chocolate Lover (bilihan ng raw materials for chocolates). Hanapin mo na lang ‘yung place.”

Nag-check kami ng posibleng pagdalhan kay Diego at positive dahil may nakita kaming rehab center sa nasabing lugar na binanggit sa amin. Nalaman namin na sobrang pribado ang lugar at bawal bumisita ang hindi kaanak at higit sa lahat, hindi sila nagbibigay ng mga impormasyon tungkol sa kanilang mga pasyente.

Umaasa kami na magiging maayos na ang lagay ni Diego at sana’y hindi tuluyang mawala ang karakter niyang Joaquin Cardinal sa seryeng Los Bastardos na umeere sa ABS-CBN.

Samantala, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng official statement ang pamilya ng aktor at maging ang talent management nitong Star Magic ay wala ring inilalabas na pahayag maliban sa unang ipinadala sa aming text message ni Thess Gubi (Star Magic publicity head) na, “Diego and Family sre doing fine. And are requesting for privacy, thanks.”

❏❏❏

Hindi nawawala ang magandang ngiti ni Christian Bables sa ginanap na mediacon ng pelikulang "Recipe For Love" kamakalawa dahil sa patuloy na pagganda ng kanyang karera.

Bukod sa bago niyang pelikula mula sa Regal Entertainment, maganda rin ang ratings ng serye nilang Halik. Sa katunayan, umabot na sa mahigit 3 million ang nanonood ng serye sa IWant TV kung saan gumaganap siya bilang si Barry Bartolome na kababata at matalik na kaibigan ni Jericho Rosales bilang si Lino Bartolome.

Apat na taon ang kontrata ni Christian sa Regal Films at nakakadalawang taon palang siya pero apat na agad ang pelikulang nagawa niya, ang "I Love You To Death," "Die Beautiful," "Signal Rock" at itong "Recipe For Love."

“I’m thankful and sana I pray na patuloy pa akong ibless ni God. Kasi ngayon hindi ko pa rin alam kung anong plano sa akin ni God. So i-bless na lang ako to be a better person and I’m happy sa mga nakukuha kong blessings,” masayang sabi ng aktor.

Ang pelikula rin niyang "Signal Rock" ang magiging entry ng Pilipinas para sa 2019 Oscars na malalaman na ang resulta sa Enero, sabi ni Christian.

“Oo nga, nasabi ko before na pasok na sa Oscars, entry palang pala at pagpipilian pa, nagulo utak ko no’n, sorry,” tumawang tugon sa amin ng binata.

Gong back to "Recipe For Love" ay kilalang chef ang karakter ni Christian bilang si Calix na nakakilala ng isang food blogger na ginagampanan ng former PBB housemate na si Cora Waddell.

Admittedly, hindi marunong magluto si Christian maliban sa pasta o spaghetti, masarap naman daw siyang magluto lalo na kapag inspired at masaya siya, “Pero kapag malungkot at wala ako sa mood, lasang engkanto ang niluto ko. Ha-hahaha!”

Mapapanood na ang "Recipe For Love" sa Nob. 21 nationwide mula sa direksyon ni Jose Javier Reyes under Regal Films.

Kasama rin sa pelikula sina Sophie Albert, Enrico Cuenca, Myrtle Sarroza at marami pang iba.

CHRISTIAN BABLES AT DIEGO LOYZAGA

Newspapers in Tagalog

Newspapers from Philippines

© PressReader. All rights reserved.